
Pinatitiyak ni Executive Secretary Ralph Recto sa mga opisyal ng security cluster ng pamahalaan ang mapayapa, ligtas at maayos na ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 27.
Sa isang Top Level Meeting nitong Martes, Hulyo 21, inatasan ni Executive Secretary Recto ang Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na palakasin ang kanilang pakikipagtulungan kaugnay sa seguridad, daloy ng trapiko at crowd management.
Sentro ng diskusyon ang pagkakaroon ng mabilisang pagtugon sa mga insidenteng posibleng magbigay ng abala o panganib sa mga mananakay.
“Siguruhin nating magiging mapayapa at maayos ang SONA para sa lahat. Dapat handa tayo, magkakaugnay ang ating pagkilos, at mabilis ang ating pagtugon sa anumang sitwasyon,” ayon sa ES.
Tiniyak naman ng Presidential Security Command (PSC) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang ipatutupad na sistemang panseguridad.
Samantala, binigyang-diin ni Recto ang importansya ng balanseng pagpapatupad ng batas at paggalang sa mga karapatan ng mga mamamayan, kabilang na ang kanilang konstitusyunal na kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin.
“Igalang ang hindi pagsang-ayon, ngunit maging matatag laban sa karahasan, kaguluhan, at anumang banta sa kaligtasan ng publiko,” paliwanag ni ES Recto.
Inihayag naman ni Recto na misyon ng ginagawang paghahanda ng pamahalaan na siguruhin ang isang organisado at ligtas na pagdiriwang ng ikalimang SONA ni Pangulong Marcos Jr., na hindi lamang nakatuon sa seguridad sa loob ng Batasang Pambansa pati na ang galaw ng publiko sa mga kalapit na lugar.
Kabilang sa mga dumalo sa naturang pagpupulong ang mga sumusunod na opisyal ng gobyerno:
-Cabinet Secretary Benhur Abalos
-National Security Adviser Eduardo S. L. Oban Jr.
-PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
-AFP Deputy Chief of Staff for Operations Major General Elmer B. Suderio
-PAOCC Director Teofilo Bailon
-DILG Undersecretary Nestor Sanares
-MMDA Chairperson Atty. Romando S. Artes
-DOTr Assistant Secretary Dioscorro Reyes
-LTFRB Chairperson Vigor D. Mendoza II
-LTO Chief Markus V. Lacanilao
-PSC Deputy Commander Brigadier General Zandro C. Alvez
Sa huli, binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng walang patid na komunikasyon at ng malinaw na kani-kanyang tungkulin ng mga ahensya ng administrasyon.
“Gawin ninyo ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak ang isang mapayapa, ligtas, at maayos na SONA,” saad ng Executive Secretary. – VC











