
Sa kauna-unahang pagkakataon, nakatakdang humarap sa Pre-Trial Chamber I si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngayong Biyernes, Marso 14, 2:00 p.m. CET (9:00 p.m. Manila Time), ayon sa tagapagsalita ng International Crime Court (ICC).
Pangungunahan ni Judge Iulia Antoanella Motoc bilang presiding judge ang nasabing pre-trial, kasama ang iba pang hukom na sina Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at Judge María del Socorro Flores Liera.
Sa initial appearance hearing, unang ibeberipika ng mga hukom ang pagkakakilanlan ni Duterte pati na kung anong lenggwahe ang kaya niyang gagamitin.
Susunod ay ipapaalam sa dating Pangulo ang mga kaso na isinampa laban sa kanya gayundin ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng ICC Rome Statute.
Kabilang sa mga isinampang kaso kay Duterte ay may kaugnayan sa ‘crime against humanity’ mula Nobyembre 1, 2011 hanggang March 16, 2019 kung saan nanungkulan siya bilang mayor ng Davao City at Pangulo ng Pilipinas.
Samantala, inabisuhan na rin ang Pre-Trial Chamber na dadalo ang dating Pangulo kasama si dating Executive Secretary Secretary Salvador Medialdea bilang counsel nito pati na ang Office of Public Counsel for Defense. – AL