IBCTV13
www.ibctv13.com

Group 2 at 3 beneficiaries, tatanggap ng ikatlo at ikaapat na tranche ng UPLIFT assistance simula Oktubre 30

152
Views

[post_view_count]

DSWD’s UPLIFT assistance payout in Pilar, Sorsogon. (DSWD File photo)

Sisimulan nang ipamahagi sa mga Group 2 at 3 beneficiaries ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program ang ikatlo at ikaapat na tranche ng tulong–pinansyal sa Oktubre 30 hanggang Nobyembre 30.

Inilabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Linggo, Oktubre 25, ang schedule ng distribusyon para sa mga benepisyaryong kabilang sa dalawang grupo.

Para sa mga kabilang sa Group 2 na may rehistradong GCash, e-wallet, o bank account, idedeposito ang kabuuang P4,000 sa kanilang mga account sa Nobyembre 6, nang hindi na kailangang pumunta sa mga payout site.

Sakop ng Group 2 ang mga pamilyang pasok sa itinakdang poverty threshold batay sa datos ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Hinimok ng DSWD ang mga benepisyaryo na beripikahin at i-update ang kanilang impormasyon sa UPLIFT G2P Portal upang maiwasan ang pagkaantala sa pagproseso ng kanilang ayuda.

Kabilang sa mga kailangang tiyakin ang wastong baybay ng pangalan, account number, email address, at contact number.

Samantala, buong P4,000 din ang matatanggap ng mga benepisyaryo ng Group 2 sa pamamagitan ng manual payout.

Isasagawa ito mula Nobyembre 2-30, ngunit pinapayuhang hintayin ang susunod na anunsyo ng DSWD para sa eksaktong petsa at lugar ng payout.

Para naman sa Group 3 na binubuo ng mga low-income member ng Social Security System (SSS), sisimulan sa Oktubre 30 ang pagdedeposito ng pera para sa mga tranche na hindi pa nila natatanggap.

Ang mga miyembrong may P10,000 Monthly Salary Credit (MSC) ay makatatanggap ng kabuuang P8,000 para sa una hanggang ikaapat na tranche habang may natitirang P4,000 para sa tumanggap na ng unang dalawang tranche.

Kabuuang P4,000 din ang matatanggap ng mga kwalipikadong miyembrong may P20,000 MSC na idedeposito sa Nobyembre 6 o katumbas ng dalawang tranche.

Direktang ipapasok ang tulong sa mga rehistradong disbursement account ng mga benepisyaryo. – VC