IBCTV13
www.ibctv13.com

GSIS, pinalawig sa anim na buwan ang Balik Ginhawa refunds

116
Views

[post_view_count]

Government Service Insurance System kiosk at the Philippine Information Agency building in Visayas Avenue, Diliman, Quezon City. (File photo of PNA)

Pinalawak ng Government Service Insurance System (GSIS) ang saklaw ng Balik Ginhawa (Loan Moratorium Through Refund) Program upang mabigyan ang mga kwalipikadong miyembro at pensyonado ng refund na katumbas ng hanggang anim na buwang eligible loan amortizations.

Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na higit pang pagbutihin at gawing mas makabuluhan ang paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan sa mga Pilipino.

Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, layunin ng Balik Ginhawa 2 na mabigyan ng dagdag na financial breathing room ang mga miyembro at pensyonado.

Saklaw ng refund ang mga loan amortization na binayaran mula Disyembre 2025 hanggang Mayo 2026.

Kabilang dito ang mga aktibong loan account, tulad ng housing loans, maliban lamang sa mga pautang sa ilalim ng GSIS Ginhawa Green Loans Program, gaya ng Ginhawa Solar Energy Loan (GSEL) at Ginhawa Bike and E-Mobility Loan (GBEL).
Maaaring magsumite ng aplikasyon ang mga kwalipikadong miyembro at pensyonado simula ngayong Hulyo 1 hanggang Oktubre 31, 2026 sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile application.

Nilinaw ng GSIS na anumang refund na natanggap na ng isang miyembro sa unang yugto ng Balik Ginhawa Program ay ibabawas sa kabuuang halagang maaaring i-refund.

Gayunman, ang mga nakatanggap ng mas mababa sa katumbas ng tatlong buwang refund sa Balik Ginhawa 1 ay maaari pa ring makuha ang natitirang halaga, bukod pa sa karagdagang tatlong buwang refund sa ilalim ng pinalawak na programa.

Binigyang-diin ng GSIS na boluntaryo ang paglahok sa programa at kinakailangang magsumite ng aplikasyon sa GSIS Touch app, kung saan ang refund ay direktang ipapasok sa GSIS bank account ng miyembro.

Ipinaliwanag din ng ahensya na ang mga buwan na saklaw ng refund ay hindi ituturing na loan arrear dahil sakop ang mga ito ng loan moratorium.

Samantala, hindi kabilang sa programa ang mga loan account na idineklarang Due and Demandable o may hindi nabayarang hulog na lampas sa anim na buwan, fully paid o na-renew na loan, mga miyembrong may pending o naprosesong retirement o separation benefit claims sa oras ng pag-avail, at mga walang GSIS bank account.

Hindi rin saklaw ang mga advance payment na ginawa bago ang unang due date ng loan dahil ang mga ito ay itinuturing na direktang bayad sa loan principal at hindi bilang monthly loan amortization.

Hinikayat ng GSIS ang mga miyembro at pensyonado na tingnan ang kanilang loan status at refund eligibility sa GSIS Touch app, kung saan makikita rin ang pinakabagong impormasyon tungkol sa Balik Ginhawa Program.

Maaaring bisitahin ng publiko ang opisyal na website at social media pages ng GSIS para sa iba pang detalye. – VC