
Halos isang milyong Pilipino ang nakinabang sa P20 kada kilong bigas noong Setyembre, sa ilalim ng Benteng Bigas, Meron Na! program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito na ang pinakamataas na bilang ng mga nakinabang sa programa sa loob ng isang buwan mula nang ilunsad ito noong Mayo 2024.
Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), umabot sa 961,346 ang mga nakabili ng kabuuang 21.4 milyong kilo ng lokal na aning bigas sa ilalim ng programa.
Mas mataas ito sa dating record na 838,695 benepisyaryo na naitala noong Abril.
Kabilang sa mga nakinabang ang mga senior citizen, indigents, solo parents, persons with disabilities (PWDs), magsasaka, mangingisda, at mga minimum wage earner.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahigit 5.6 milyong Pilipino na ang natulungan ng programa ngayong taon.
“This year alone, from January to the end of September, the P20-per-kilo rice program has directly helped over 5.6 million Filipinos ease the pressure on their wallets,” ani Tiu Laurel.
Ayon sa pamahalaan, mahalaga ang naturang inisyatiba dahil tinatayang 9% ng karaniwang gastusin ng isang pamilyang Pilipino ay napupunta sa pagbili ng bigas.
Layunin ng programa na makapagbigay ng murang bigas sa mga mamimili habang binibigyan ng merkado ang mga lokal na magsasaka na maibenta ang kanilang ani.
Mula Enero hanggang Setyembre, umabot na sa 135.98 milyong kilo ang kabuuang naibentang bigas sa ilalim ng programa.
Karamihan dito ay ipinamahagi sa pamamagitan ng mga selling center na pinatatakbo o kinikilala ng Food Terminal Inc. (FTI).
Halos 20% naman ang naibenta sa pamamagitan ng KADIWA ng Pangulo, habang 15% ang ipinamahagi sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.
Samantala, simula Disyembre, papahintulutan na ng DA ang ilang benepisyaryo na kunin sa isang transaksyon ang kanilang monthly 30-kilo allocation.
Layunin nitong mapadali ang pagkuha ng bigas ng mga benepisyaryo at magkaroon ng mas maraming espasyo sa mga bodega ng NFA para sa pagbili at pag-iimbak ng palay mula sa mga magsasaka. – VC











