IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit 420 mga magsasaka, 1,000 ektaryang lupang-sakahan, makikinabang sa bagong Ibato-Iraan SRIP sa Palawan

Michael Peronce
120
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. spearheaded the inauguration and turnover of the Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project in Aborlan, Palawan on Thursday, July 23. (Photo courtesy of PCO)

Asahan na ang mas pinataas na ani at kita ng mga magsasaka matapos na pormal na pasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) sa Aborlan, Palawan, na pinakamalaking irrigation facility at kauna-unahang reservoir-type na proyektong pang-irigasyon sa buong probinsya.

Sa isinagawang inagurasyon at turnover ngayong Huwebes, Hulyo 23, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na makatutulong ang nasabing proyekto sa pagprotekta sa mga magsasaka mula sa pabagu-bagong panahon at tiyakin ang maaasahang mapagkukunan ng irigasyon sa buong taon.

“Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng sapat at maaasahang suplay ng tubig sa buong taon para sa mahigit isang libong ektarya ng lupang sakahan dito sa Aborlan,” ayon sa Pangulo.

Nagkakahalaga ang proyektong patubig ng P886.12 milyon na inaasahang magbibigay-benepisyo sa 425 mga magsasaka ng Ibato-Iraan Farmers Irrigators Association, Inc. at maghahatid ng irigasyon sa 1,072 ektaryang sakahan sa Barangay Sagpangan, Iraan at Isarob sa bayan ng Aborlan.

“Inaasahan natin ang mas maraming sako ng bigas, mas masaganang ani ng gulay, at mas malaking kita para sa ating mga magsasaka. Hatid din ng proyekto ang kapanatagan ng loob, kasiguruhan sa patubig, at pag-asa para sa bawat pamilyang umaasa sa sakahan,” ayon sa punong ehekutibo.

Magmumula ang tubig sa Ibato-Iraan River na may kapasidad na 3.013 million cubic meters ng tubig.

Umaasa naman ang Pangulo na maiingatan at mapapaunlad pa ang naturang imprastraktura, kasabay ng pangakong patuloy na magiging kaisa ang pamahalaan sa pagsasaayos ng sistema para sa kapakanan ng mga magsasaka.

“Kayo po ang kasangga namin sa pagpapanatili at pagtatagumpay nitong proyektong ito. Makakaasa po kayo na katuwang ninyo ang pamahalaan sa pag-aayos ng mga sistema, at kayong mga magsasaka ang nagbibigay-buhay dito,” pagtitiyak ni Pangulong Marcos Jr. VC