IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit 5,000 mga barangay, nakinabang sa P44.9-B halaga ng dev’t projects na ipinatupad ng pamahalaan nationwide

113
Views

[post_view_count]

The Department of Public Works and Highways has completed the construction of a farm-to-market road (FMR) project in Sta. Cruz Marinduque. (File photo of DPWH)

Umabot na sa 5,638 barangays sa buong bansa ang nakatanggap ng aabot sa P44.90 bilyon na halaga ng development project, na nagbigay ng benepisyo sa tinatayang 16.8 milyong Pilipino, ayon sa Malacañang.

Kabilang sa mga proyektong naipatupad ang 978 silid-aralan, 1,601 kilometrong farm-to-market roads, 1,182 water and sanitation systems, at 556 health station.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bahagi ang mga proyektong ito ng hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang tugunan ang insurgency sa pamamagitan ng pagpapalawak ng access ng mga komunidad sa basic services at economic opportunities.

Iniulat ito ni Castro kasabay ng ika-10 Executive Meeting ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na pangungunahan ng Pangulo sa Malacañang ngayong hapon, Nobyembre 4.

Binigyang-diin ni Castro na layunin ng Pangulo na matiyak na mararamdaman ng bawat barangay ang presensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at oportunidad.

“Siguraduhin na maabot sa bawat barangay ang serbisyo at oportunidad ng pamahalaan, mula sa mga paaralan at kalsada hanggang sa trabaho at kabuhayan. Ito ang malinaw na mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa NTF-ELCAC,” ani Castro.

Dumalo sa pagpupulong ang mga miyembro ng Gabinete at mga opisyal ng task force upang talakayin ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagsusulong ng kapayapaan at seguridad sa mga lokal na komunidad.

Batay sa datos ng pamahalaan, mahigit 33,000 barangay na sa buong bansa ang nakapagtala ng stable internal peace and security. – VC