IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit P1-M tulong-pinansyal, ipinaabot ni PBBM sa pamilya ng mga nasawi, sugatan sa school shooting sa Tacloban

Michael Peronce
92
Views

[post_view_count]

Wake of one the learners who perished in the shooting incident in San Jose National High School in Tacloban City, Leyte last June 22. (Photo courtesy of DepEd)

Kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay, magkakaloob din si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng higit P1 milyong tulong-pinansyal sa lahat pamilya ng mga nasawi at mga nasugatan kasunod ng nangyaring pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte noong Hunyo 22.

Sa Palace Press Briefing ngayong Miyerkules, Hulyo 1, inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na magbibigay ng tig-P150,000 ang Office of the President (OP) sa pamilya ng tatlong mga nasawing estudyante.

Tatanggap naman ng tig-P50,000 ang 18 mga nasugatang mag-aaral mula sa shooting incident.

Nilinaw naman ng Palasyo na hiwalay pa ito sa mga nauna nang ipinaabot ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pangunguna ni Secretary Rex Gatchalian, at Department of Education (DepEd), sa pamumuno ni Secretary Sonny Angara.

Samantala, kinumpirma ng Palasyo na dadalhin ang dalawang namaril na menor de edad sa DSWD facilities bilang intervention sa halip na sa regular na kulungan, dahil ito ang ipinatutupad ng batas sa mga Children in Conflict with the Law (CICL).

“Nais nating ipaliwanag na ang pagdala sa pangangalaga ng DSWD [ng] mga menor de edad na nakagawa ng krimen, ay sa DSWD facilities dadalhin para sa kanilang reformation at rehabilitation at hindi sa regular na kulungan para sa adult. Ang intervention na ito ang ipinapatupad ng batas para sa mga CICL,” ayon kay Castro.

Gayunpaman, siniguro ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. na makakamit ng lahat ng biktima at kanilang pamilya ang hustisya mula sa insidente. – VC