IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit P11-B pondo para sa 672,776 TUPAD workers, isinusulong ng Marcos Jr. admin sa 2027

139
Views

[post_view_count]

1st batch of TUPAD beneficiaries in 2026. (File photo of DSWD)

Tinatayang 672,776 manggagawa ang target na mabigyan ng pansamantalang trabaho sa ilalim ng panukalang P11.03 bilyong pondo para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program sa 2027.

Mananatili sa P11.03 bilyon ang panukalang pondo para sa programa sa susunod na taon, kapareho ng inilaan sa 2026 National Expenditure Program (NEP).

Ang TUPAD ay nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga manggagawang nawalan ng pagkakakitaan o nahihirapang makahanap ng trabaho, kabilang ang mga public at community work.

Sa ilalim ng panukalang 2027 national budget, pahahabain mula 20 araw hanggang 45 araw ang work period para sa mga kwalipikadong benepisyaryong kabilang sa long-term component ng programa.

Itataas naman mula P350 hanggang P400 ang pondong ilalaan para sa personal protective equipment (PPE) ng bawat benepisyaryo.

Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nakatutulong ang programa sa mga pamilyang nangangailangan ng kita habang humaharap sa mga epekto ng economic disruptions at iba pang krisis.

“Through emergency and community-based employment, the program helps Filipino families cope with economic disruptions, while earning a dignified source of livelihood,” ani Pangulo.

Samantala, sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert C. De Leon na hindi lamang dapat masukat ang TUPAD sa dami ng pansamantalang trabahong naibibigay nito.

Aniya, dapat na magsilbi rin ang programa bilang tulay para maiugnay ang mga benepisyaryo sa mas pangmatagalang trabaho at kabuhayan.

Dahil dito, pinalalakas ang TUPAD framework upang maiugnay ang mga benepisyaryo sa skills training, employment facilitation, livelihood assistance, at iba pang oportunidad na makatutulong sa kanilang paglipat tungo sa mas matatag na pagkakakitaan. – VC