
Umabot na sa P21 bilyon ang halaga ng mga agricultural machinery na naipamahagi ng pamahalaan sa mga magsasaka sa buong bansa mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa Malacañang.
Ito ay kasunod ng isinagawang pagbisita at inspeksyon ng Pangulo sa Pampanga Food Security Complex (PFSC) sa Brgy. Sta. Catalina, Lubao, Pampanga ngayong araw, Hulyo 24.
Batay sa datos, mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo ngayong taon ay nakapagkaloob na ang pamahalaan ng kabuuang 15,126 makinaryang pansakahan na nagkakahalaga ng P21-B.
Nakinabang dito ang tinatayang 1.28 milyong magsasaka, 7,715 kooperatiba at samahan ng mga magsasaka, gayundin ang 507 lokal na pamahalaan.
Maliban sa pamamahagi ng makinarya, nakapagpatayo rin ang pamahalaan mula Hulyo 2022 hanggang nitong Hunyo ng mga Rice Processing System (RPS), Mega Cold Storage Warehouse sa Camarines Sur, Modular Cold Storage Facility sa Bataan, at Onion Cold Storage Facility sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Isabela.
Samantala, kasalukuyang itinatayo ang 67 modular cold storage units na nakatakdang bilhin at nasa iba’t ibang yugto ng pre-implementation activities.
Isinusulong din ang modernisasyon ng mga pasilidad ng National Food Authority (NFA), kung saan as of July 8, may 36 na bagong bodega ng ahensya ang itinatayo sa iba’t ibang bahagi ng bansa at target na makumpleto bago matapos ang 2027.
Ayon sa pamahalaan, isa sa pinakamalaking hamon sa sektor ng agrikultura ang kakulangan ng mga post harvest facility, partikular sa pagpapatuyo ng palay.
Dahil dito, nagkakaroon ng pagkalugi sa ani, pagbaba ng kalidad at halaga ng palay, at kabawasan sa kita ng mga magsasaka.
Sa Pampanga, tinatayang 30,995 magsasaka na nagsasaka sa 42,994 ektaryang palayan ang inaasahang makikinabang sa mga bagong pasilidad.
Inaasahang mapapalakas ng mga bagong pasilidad ang rice value chain ng lalawigan sa pamamagitan ng sentralisadong pagbili, pagpapatuyo, paggiling, pag-imbak, at pamamahagi ng palay at bigas habang binabawasan ang postharvest losses, pinapahusay ang rice processing, at tinitiyak ang mas matatag na suplay ng bigas bilang bahagi ng pagpapalakas ng local food security. – VC











