
Pumalo na sa kabuuang P983 milyon ang naipamahaging humanitarian assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang tulong sa mga komunidad na nasalanta ng Magnitude 7.8 na lindol sa Maasim, Sarangani noong Hunyo 8.
Batay sa pinakahuling tala ng Disaster Response Operations Monitoring, Information, and Communication (DROMIC) ng ahensya nitong Miyerkules, Hulyo 8, umabot na sa 1,655,313 mga indibidwal o katumbas ng 391,871 mga pamilya ang naapektuhan ng pagyanig sa 650 mga barangay sa mga sumusunod na rehiyon:
Region 9 (Zamboanga Peninsula)
Region 11 (Davao Region)
Region 12 (SOCCSKSARGEN)
Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)
Para matiyak na nagpapatuloy ang pagtugon ng DSWD, may nakahandang aabot sa P4.97-B na relief resources na kinabibilangan ng P643.7-M na Quick Response Funds (QRF) at P4.3-M halaga ng food and non-food items (NFIs) para sa mga mangangailangang residente.
Matatandaan nitong Martes, Hulyo 7, bumisita si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa General Santos City at Sarangani para kumustahin ang distribusyon ng tulong ng kagawaran para sa maagang pagbangon ng mga biktima, bilang patuloy na pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“They may not be in the headlines anymore, but the President’s directive is very clear: help till the earthquake victims get back on their feet. Flew into GenSan City and Sarangani to monitor distribution of sustained financial assistance for early recovery victims,” ayon kay Gatchalian.
Sinaksihan din ng kalihim ang emergency cash transfer (ECT) payout sa pangunguna ng DSWD Field Office 12 – SOCCSKSARGEN sa GenSan, at nakipagpulong sa mga local chief executive (LCEs) para talakayin ang pangmatagalang interbensyon para naman sa mga lubos na naapektuhan ng mapaminsalang lindol. – VC











