
Nanawagan ng obligado at mas istriktong verification measures si 1-Rider Partylist Rep. Rodrigo “Rodge” Gutierrez para sa mga pasahero ng motorcycle taxi services para maprotektahan ang mga rider mula sa anumang banta ng krimen.
Sa kanyang konsultasyon sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) companies ngayong Biyernes, Hulyo 17, isa mga binigyang-diin ni Gutierrez ang pangangailangan sa mahigpit na passenger verification protocols, kabilang na ang mas pinaigting na ID checks, facial recognition, at istriktong booking safeguards para maiwasan na ang insidente na kahalintulad ng pagpaslang sa 35-anyos na rider na si Ren Ren De Laviga at Fabio Norberte Jr.
“Hindi po ito basta-bastang patakaran lamang — buhay at kaligtasan ng ating mga riders ang nakasalalay dito,” giit ng kongresista.
Matatandaang pinagnakawan at binaril si De Laviga noong Miyerkules, Hunyo 15, ng kanyang pasahero na na-pick up mula Maynila hanggang Carmona City, Cavite, at kalauna’y naaresto sa Tondo, Maynila kasama ang motorsiklo ng biktima at isang 45-kalibreng baril.
Samantala, pinagsasaksak naman ng ice pick ang Move It rider at ama ng batang may special needs na si Norberte sa Caloocan City, na naging dahilan kalaunan ng kanyang pagkakasawi bukod pa sa pagnanakaw sa motorsiklo ng biktima.
“Kapag hindi talaga na-verify nang maayos ang pasahero, madaling target ang mga riders na madalas ay mag-isa sa kalsada. Hindi po ito basta-bastang patakaran lamang — buhay at kaligtasan ng ating mga riders ang nakasalalay dito,” paliwanag ni Gutierrez na Senior Vice Chair din ng House Committee on Transportation.
Samantala, muli ring binuhay ng Deputy Majority Leader ang urgent appeal para sa agarang pagpasa ng House Bill 4416 o ang panukalang Motorcycle Taxi Act na naglalaman ng komprehensibong safety and regulatory measures sa nasabing industriya.
Sa oras na maging ganap na batas, magbibigay ito ng kinakailangang regulasyon at proteksyon sa libu-libong motor taxi riders na mahalagang kasangga sa pang-araw-araw na pagbiyahe ng milyun-milyong Pilipino.
“Kami po ay nanawagan sa ating mga kasamahan dito sa Kamara at sa Senado — ipasa na po natin ang Motorcycle Taxi bill. Protektahan po natin ang buhay at kabuhayan ng ating mga riders,” saad ni Gutierrez. – VC











