
Isang malawakang scam gamit ang deepfake video ni Indonesian President Prabowo Subianto ang nambiktima sa libu-libong Indonesian nationals tungkol sa umano’y ipinamimigay niyang tulong-pinansyal.
Sa kumalat na video online noong Nobyembre 2024, nagsasalita sa harap ng camera ang Indonesian President at tila kinakausap ang citizens ng Indonesia.
“Who hasn’t received aid from me? What are your needs right now?” saad umano ni Prabowo sa video. Ayon sa mga awtoridad, hindi ito totoo at isa lamang deep fake scam na nilikha gamit ang artificial intelligence.
Hinihikayat din sa naturang video ang mga tao na magpadala ng mensahe sa isang WhatsApp number upang makuha ang umano’y ayuda mula kay President Prabowo. Bago ito mangyari, pinagbabayad muna sila ng halagang 250,000 hanggang 1 million rupiah ($15-$60) bilang ‘administrative fee’.
Ayon sa international fact-checkers, marami pang katulad na pekeng video ang kumakalat sa social media.
Sa TikTok, natukoy na may 22 accounts na gumamit ng pangalan ng Indonesian President para gawin ang parehong scam at isa sa mga account ay may 7.5 million views at higit 77,000 followers.
Nagbabala na ang Indonesian government sa publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga kumakalat na video online lalo na ang mga nangangako ng tulong-pinansyal. Nararapat din na suriin ang source kung may katotohanan bago magpadala ng personal na impormasyon o pera.
Paiigtingin naman ng fact-checkers ang kanilang trabaho laban sa mga panloloko gamit ang makabagong teknolohiya. – VC