
Isa sa maraming misyon ng pamahalaan ang paghahatid ng mga programang sumusuporta sa sektor ng edukasyon.
Mula sa pagtatayo at pagsasaayos ng mga paaralan, pagtitiyak ng sapat na kagamitan at pagpapatupad ng mga programa sa kalusugan tungo sa epektibong pagkatuto ng mga bata, hanggang sa pagpapataas ng kumpiyansa at pagtitiyak naman ng kapakanan ng mga guro.
Ang lahat ng ito ay bahagi ng patuloy na paghahatid ng mga inisyatiba ng pamahalaan upang matiyak na walang batang mapag-iiwanan sa pag-aaral.
Noong Setyembre 2025, naudlot ang misyong ito kasunod ng paghagupit ng Bagyong Opong sa probinsiya ng Masbate, kung saan maraming paaralan, kabilang ang Panique National High School, ang napinsala, mga nagibang silid-aralan, at maraming batang sabik nang muling makapasok sa klase ang nawalan ng ligtas na lugar upang ipagpatuloy ang kanilang edukasyon.
Ito ang malungkot na reyalidad na nasaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nang bisitahin ang probinsya noong nakaraang taon.
Bilang tugon, ipinag-utos niya sa Department of Education (DepEd) ang agarang rehabilitasyon ng mga nasirang paaralan sa direktibang “rebuild as soon as possible,” upang maibalik sa normal ang pag-aaral ng mga estudyante.
Makalipas lamang ang ilang buwan, muling bumisita ang Pangulo sa probinsiya upang personal na tiyakin ang implementasyon ng kanyang direktiba.
Ininspeksyon niya ang mga bagong tayong Learning Continuity Spaces (LCS) upang masiguro na ang mga ito ay ligtas, maayos, at handa nang magsilbing tahanan ng pagkatuto para sa mga mag-aaral.
Sa loob lamang ng dalawang linggo, naitayo ang mga silid-aralan na may 20-year warranty, at mga pasilidad na idinisenyo upang maging matibay, ligtas, at angkop sa pangmatagalang pangangailangan ng mga paaralan, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad.

Hindi lamang imprastraktura ang binigyang-pansin ng Pangulo. Ininspeksyon din niya ang pagpapatupad ng Learning Resources Program, na naglalayong matiyak na ang bawat mag-aaral ay magkakaroon ng sariling aklat, upang higit na mapahusay ang pagkatuto at mabawasan ang kakulangan sa mga kagamitan sa pag-aaral.

Kasabay nito, muling binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng kapakanan ng mga guro sa pamamagitan ng pagtitiyak ng mas mabilis na proseso ng kanilang promosyon.
“Kailangan namin kayong tulungan, kayo ang nag-aalaga sa mga anak namin,” ani Pangulong Marcos Jr.

Kinumusta naman ng Pangulo ang School-Based Feeding Program, na ayon sa pamahalaan ay nakatutulong na sa halos limang milyong mag-aaral sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng masustansyang pagkain — isang mahalagang hakbang upang mapanatiling malusog, masigla, at handang matuto ang mga kabataan sa loob ng silid-aralan.

Sa pamamagitan ng mabilis na rehabilitasyon ng mga paaralan, tuloy-tuloy na pamamahagi ng learning materials, pagpapalakas sa kapakanan ng mga guro, at pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan sa mga mag-aaral, patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang mga hakbang na naglalayong palakasin ang sektor ng edukasyon.
Sa kabila ng mga hamon at kalamidad, nananatiling pangunahing adhikain ng gobyerno na matiyak ang tuloy-tuloy, ligtas, at de-kalidad na pagkatuto ng bawat mag-aaral, dahil ang edukasyon ay nananatiling isa sa mahalagang pundasyon ng pag-unlad ng bansa at mas matatag na kinabukasan para sa bawat kabataang Pilipino. – VC











