
Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na agad naipatupad ang mga kaukulang hakbang upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani kasunod ng insidente ng pananaksak sa Cabaluay National High School sa Zamboanga City ngayong araw, Hulyo 1, kung saan dalawang mag-aaral ang sugatan.
Sa opisyal na pahayag ng School Division Office ng Zamboanga City, sinabi nitong mabilis na umaksyon ang pamunuan ng paaralan at nakipag-ugnayan sa mga awtoridad at iba pang stakeholders upang maibigay ang kinakailangang tulong sa mga apektadong mag-aaral.
Patuloy na mino-monitor ng SDO ang sitwasyon at mahigpit na nakikipagtulungan sa administrasyon ng paaralan upang matiyak ang pagpapatupad ng mga nararapat na intervention, kabilang ang pagbibigay ng psychosocial services sa mga biktima at sa buong komunidad ng paaralan.
Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang DepEd sa insidente at iginiit na mananatiling pangunahing prayoridad ang kapakanan at agarang paggaling ng mga biktima.
Bilang tugon sa insidente, inatasan ng DepEd ang lahat ng mga paaralan at field offices sa buong bansa na paigtingin ang pagpapatupad ng mga polisiya sa school safety at child protection, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga magulang, lokal na pamahalaan, at mga ahensyang nagpapatupad ng batas.
Nanawagan naman ang Zamboanga SDO sa publiko na hayaan ang mga kinauukulang awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon at iwasan ang pagpapakalat ng fake news.
Iginiit ng DepEd ang kanilang pangako na mapanatili ang ligtas na kapaligiran sa lahat ng pampublikong paaralan at patuloy na palakasin ang mga programa sa child protection upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap. – VC











