IBCTV13
www.ibctv13.com

Isa sa mga benepisyaryo ng educational assistance ng PCSO, nagtapos ng kolehiyo bilang Cum Laude

54
Views

[post_view_count]

Patricia Chua. (Photo courtesy of Patricia Chua/Facebook)

Sa kabila ng kakapusan sa pinansyal, nakapagtapos ng kolehiyo nang may Latin honor si Patricia Chua, isang benepisyaryo ng educational assistance program ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Si Chua, bunsong anak sa tatlong magkakapatid, ay nagtapos bilang Cum Laude sa National Teachers College sa kursong Bachelor of Science in Tourism Management, at kauna-unahang miyembro ng kanilang pamilya na nakapagtapos ng kolehiyo.

Ayon kay Chua, naging malaking hamon para sa kanilang pamilya ang pagtustos sa kanyang pag-aaral dahil ang kanyang ama lamang ang nagtatrabaho bilang welder, habang ang kanyang ina ay isang housewife.

Dahil dito, naging mahalaga ang tulong-pinansyal mula sa PCSO upang maipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa kabila ng kanilang kalagayang pinansyal.

“Every semester that I was able to continue was already a big deal,” ani Chua.

Giit niya, nabawasan ng educational assistance ang kanyang pangamba sa mga gastusin sa pag-aaral at nakatulong ito upang manatili siya sa kolehiyo hanggang sa makamit ang kanyang degree.

“I truly believe I would not be standing here today, graduating cum laude, without the help and support I received from PCSO,” ani Chua.

Samantala, sinabi ni PCSO General Manager Melquiades Robles na bahagi ng mas malawak na layunin ng ahensya ang pagtulong sa mga Pilipinong humaharap sa mahihirap na kalagayan.

Ayon kay Robles, ang educational assistance ay hindi lamang agarang tulong para sa mga estudyante kundi isang pamumuhunan sa kanilang kinabukasan, pamilya at komunidad.

“Patricia’s achievement shows what young Filipinos can accomplish when determination is matched with timely assistance,” ani Robles.

Para kay Chua, higit pa sa pinansyal na suporta ang naging ambag ng PCSO sa kanyang pagtatapos.

“PCSO’s support showed me that sometimes, helping one student continue their education can change the direction of their entire life,” ayon kay Chua.

Dahil sa kanyang karanasan, nais niya na balang araw ay maibalik ang tulong na kanyang natanggap sa pamamagitan ng pagtulong naman sa ibang estudyanteng determinado na makapagtapos ng pag-aaral ngunit kapos sa pinansyal na suporta.

“I hope that, in the future, I can also become someone who helps students who have the determination and ability to study but simply do not have enough resources to do so,” dagdag niya.

Kaugnay nito, binigyang-diin naman ni Robles na ang tunay na halaga ng educational assistance ay nasusukat hindi lamang sa halagang naibibigay kundi sa pagbabagong naidudulot nito sa buhay ng mga benepisyaryo.

“The most meaningful measure of our assistance is found in the lives it helps transform. When a student is able to finish college, find meaningful work and uplift a family, the benefits extend far beyond the assistance initially provided,” ani Robles. – VC