IBCTV13
www.ibctv13.com

Kuryente mula basura: PBBM, itinutulak ang waste-to-energy program bilang tugon sa ‘garbage crisis’

90
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. personally inspected the ongoing clearing, dredging, and water-collection operations in Baclaran City, Parañaque City today, August 12. (Photo courtesy of PCO)

Mula sa pagiging bara sa mga kanal patungo bilang dagdag suplay ng kuryente, ito ang solusyong itinutulak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa harap ng tinawag niyang krisis sa basura sa bansa.

Sa kauna-unahang beses, binaha ang Parañaque City sa loob lang ng tatlong araw. Pangunahing naging sanhi ay ang naipong basura sa daluyan ng mga tubig bunsod ng pananalasa ng Bagyong Luis, Maymay at Habagat, na galing pa mula sa ibang lugar sa Metro Manila.

“Nakita ninyo ‘yung mga picture na punung-puno ‘yung kanal, punung-puno ng basura na hindi naman galing sa Parañaque, galing sa ibang lugar ‘yun. Pero dahil nabuksan na ‘yung ating mga kanal, nasabayan pa ng high tide kaya naipit ‘yung mga basura doon,” ani Pangulo.

“First time na nangyari rito na three days ago napuno itong Parañaque… dati hindi nangyayari ‘yan. ‘Yong bumagsak na tubig in the last week is the equivalent of one month’s rainfall, almost one meter. Kaya tayo nagkakaganito, nagkakaproblema tayo ng ganito,” dagdag niya.

Bilang tugon, muling binuksan ng Pangulo ang usapin ng waste-to-energy program kung saan maaaring magkaroon ng ibang silbi ang basurang karaniwang itinuturing na problema.

Sa ilalim ng programa, kokolektahin at ipoproseso ang basura upang gawing kuryente gamit ang teknolohiya.

“Kami naman dito sa pamahalaan ay itutuloy na natin ‘yung waste-to-energy na program. Iyon ‘yung kinukuha ‘yung basura at ito ay pino-process at ginagawang kuryente. Napakalaking bagay niyan pagka-natapos na natin,” ani Pangulo.

Habang ginagamitan ng makabagong teknolohiya, iginiit pa rin ng punong ehekutibo na nananatiling mahalaga ang disiplina sa pagtatapon ng basura.

“Nananawagan kami sa lahat ng involved, ang ating mga local government unit, ang ating lahat ng mamamayang Pilipino, mag-ingat po kayo dahil ang laking pinsala ang nangyayari kapag ‘yung basura natin ay hindi maganda ang pagtapon at dahil kung saan-saan na lang nilalagay,” panawagan ng Pangulo.

Sa pagsusulong ng waste-to-energy program, nakikita ng administrasyon ang pagkakataong gawing bahagi ng solusyon ang mismong basurang matagal nang suliranin ng mga komunidad.

Binigyang-diin naman na dapat sabayan ito ng maayos na segregasyon, pangongolekta at tamang pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagbabara sa mga daluyan ng tubig at mabawasan ang panganib ng malawakang pagbaha sa bansa. – VC