IBCTV13
www.ibctv13.com

La Mesa Dam, lumagpas na sa spilling level dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan

87
Views

[post_view_count]

La Mesa Dam. (File photo of PNA)

Umabot na sa 80.17 meter ang antas ng tubig sa La Mesa Dam, lampas sa overflow spilling level na 80.15 meter ayon sa PAGASA as of 5:00 p.m. ngayong Lunes, Agosto 10.

Ang sobrang tubig mula sa dam ay inaasahang makakaapekto sa mga residente sa mga low-lying area sa paligid ng Tullahan River kabilang ang ilang mababang lugar sa Quezon City, Caloocan, Valenzuela, Malabon at Navotas.

Inaabisuhan ang mga naninirahan sa mga apektadong lugar na magsagawa na ng nararapat na aksyon mula sa panganib ng pagtaas ng tubig sa ilog.

Samantala, as of 8:00 a.m. nakapagtala ang PAGASA ng patuloy na pagtaas ng water level sa mga dam sa Luzon dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng pinalakas na Habagat.

Sa Angat Dam, sumirit ng 8.66 metro ang water level sa loob lamang ng isang araw kung saan umabot ito sa 170.47 meter mula sa 161.81 metro na naitala noong nakaraang araw.

Nalampasan nito ang 160-meter critical level ng dam, ngunit nananatiling 39.53 metro ang layo sa 210-meter normal high water level (NHWL).

Sa Benguet, patuloy namang naglalabas ng tubig ang Ambuklao at Binga dams, bagama’t kapwa bumaba ang kanilang outflow.

Umabot sa 751.71 meter ang water level ng Ambuklao Dam, o 0.29 meter na lamang bago maabot ang 752-meter NHWL nito.

Samantala, umabot na rin sa 574.44 meter ang water level ng Binga Dam, na katumbas ng NHWL nito.

Bahagi ng cascading dam system ang Ambuklao at Binga dams, kung saan karamihan sa tubig na inilalabas ng dalawang reservoir ay dumadaloy patungo sa San Roque Dam sa Pangasinan.

Dahil dito, tumaas din ng 15.05 meter ang water level ng San Roque Dam at umabot sa 254.77 meter.

Gayunman, 25.23 meter pa rin ang layo nito sa 280-meter NHWL.

Sa Bulacan, patuloy na naglalabas ng tubig ang Ipo Dam matapos umabot sa 100.59 meter ang water level nito, o 0.51 metro na lamang bago maabot ang 101.10-meter NHWL.

Sa Nueva Ecija naman, tumaas ang water level ng Pantabangan Dam sa 182.22 meter mula sa 181.46 meter, habang sa Isabela ay umakyat ang Magat Dam sa 174.34 meter mula sa 170.73 meter.

Gayunman, kapwa nananatiling mababa sa NHWL para sa rainy season ang Pantabangan at Magat dams.

Patuloy na mino-monitor ng PAGASA ang mga water level ng mga dam kasunod ng pag-ulan na dulot ng pinalakas na Habagat.VC