IBCTV13
www.ibctv13.com

Libreng toll fee hanggang Disyembre 31, mas mabilis na paghahatid ng produkto, hatid ng bagong bukas na NLEX-C5 Northlink segment

114
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the opening of the new North Luzon Expressway (NLEX) segment on Thursday, October 29, aimed at improving mobility between Quezon City and Valenzuela City (Photo courtesy of PCO)

Walang babayaran na toll fee ang mga motoristang dadaan sa bagong bukas na North Luzon Expressway (NLEX)-C5 Northlink Segment 8.2 Section 1A hanggang sa katapusan ng Disyembre 2026, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Inanunsyo ito ng Pangulo matapos niyang pangunahan ang pagbubukas ng bagong kalsada ngayong Huwebes, Oktubre 29, bago ang inaasahang pagdami ng mga byahero sa paparating na Undas.

“Ang ginagawa natin sa ibang lugar, sa ibang mga daanan, lahat iyan na bagong bukas, kaya pa naman, pinagbibigyan tayo, [kaya] libre ang pagdaan dito ngayon hanggang the end of the year,” ani Pangulo.

May habang dalawang kilometro ang bagong segment na nag-uugnay sa Quirino Highway sa Quezon City at NLEX Mindanao Toll Plaza sa Valenzuela City.

Inaasahang mapaiikli nito sa limang minuto ang byahe sa naturang ruta na dating inaabot ng hanggang 40 minuto, at bukas 24 oras kada araw sa lahat ng uri ng sasakyan.

Tinatayang 11,000 sasakyan kada araw ang makikinabang sa kalsada na maaari ring magsilbing alternatibong ruta patungong Maynila at mga karatig-lungsod upang mabawasan ang mga sasakyang dumaraan sa EDSA.

Para naman sa mga byaheng patungong Northern Luzon, magagamit din ang bagong kalsada upang makapasok sa mainline ng NLEX at makarating sa Central Luzon.

Bukod sa pagpapabilis ng biyahe, inaasahang makatutulong din ang proyekto sa mas maayos na paghahatid ng mga produkto at pagpapalakas ng mga gawaing pang-ekonomiya.

Matapos ang inagurasyon, siniyasat din ng Pangulo ang nagpapatuloy na konstruksyon ng Phase 1 ng Metro Manila Subway Project.

Kasama ni Pangulong Marcos Jr. sa pagpapasinaya sina DOTr Secretary Vince Dizon, DPWH Secretary Giovanni Lopez, at iba pang opisyal ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), NLEX Corporation at Toll Regulatory Board (TRB). – MP