IBCTV13
www.ibctv13.com

Low-income SSS members, nakatakdang tumanggap ng 2nd tranche ng UPLIFT assistance sa Oktubre 16

531
Views

[post_view_count]

DSWD’s UPLIFT assistance payout in Negros Island. (File photo of DSWD)

Inaasahang mailababas sa Oktubre 16 ang ikalawang tranche ng cash assistance para sa mga benepisyaryo ng Group 3 ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT), ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, kabilang sa Group 3 ang mga low-income member ng Social Security System (SSS) na nakatanggap na ng unang tranche ng tulong-pinansyal.

“Para po sa mga Group 3 beneficiaries na kabilang sa mga low-income members ng SSS, kung kayo po ay nakatanggap na ng Tranche 1 payment, ang next tranche po ng cash assistance ay matatanggap ninyo ngayong darating na October 16,” ani Dumlao.

Tiniyak ng DSWD na matatanggap ng mga benepisyaryo ang susunod na tranche kung nananatili silang kwalipikado batay sa mga itinakdang pamantayan ng programa.

Nasa 265,795 newly-identified UPLIFT Group 3 beneficiaries ang inaasahang makatatanggap ng parehong Tranche 1 at Tranche 2 cash assistance sa Oktubre 16.

Kabilang dito ang mga benepisyaryong nakatanggap na ng notification mula sa SSS at nakapag-update ng kanilang Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) hanggang o bago ang Oktubre 5.

Bahagi ang UPLIFT assistance ng mga hakbang ng pamahalaan upang magbigay ng targeted cash grants sa mga low-income family na apektado ng pagtaas ng presyo ng bilihin, bunsod ng tensyon sa Middle East.

Sa press briefing ngayong araw, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na patuloy na tinututukan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatupad ng iba’t ibang programa upang maibsan ang epekto nito sa publiko. 

Kabilang sa mga hakbang ng pamahalaan ang panukalang pagtanggal sa 12% value-added tax sa allowable system loss charge sa singil sa kuryente, pagpapatuloy ng Walang Gutom at TUPAD program, paglulunsad ng libreng sakay, pagbibigay ng fuel subsidy, at pagpapalawak ng mga KADIWA outlet.

“Sa ngayon ang pinagtutuunan talaga ng Pangulo ay ang food, fuel, at electricity,” ani Castro.  – VC