
Mananatiling nakaalerto ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa inaasahang pagdagsa ng milyun-milyong Pilipino na magbabalik sa Metro Manila at karatig-lungsod, matapos ang paggunita ng Undas ngayong 2026.
Sa ilalim ng direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Vince Dizon, inatasan ni LTFRB Acting Chairman Atty. Greg Pua Jr. ang lahat ng regional officials at personnel na manatiling mapagmatiyag upang matiyak ang ligtas na byahe ng mga pasahero.
Kabilang sa mga ipinagpapatuloy na hakbang ng ahensya ang pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies para sa random at surprise drug testing sa mga driver, inspeksyon sa roadworthiness ng mga bus at iba pang public utility vehicle (PUV), gayundin ang kaayusan ng mga terminal at iba pang transport hub.
Inatasan din ang mga regional office na panatilihing aktibo ang kanilang mga help desk.
Tinatayang 80 help desk ang itinalaga ng LTFRB sa iba’t ibang bus terminal sa bansa upang bantayan ang pagsunod ng mga operator sa mga kondisyong nakasaad sa kanilang Certificate of Public Convenience (CPC).
Kabilang dito ang maayos na pasilidad ng mga terminal, kondisyon ng mga pampasaherong sasakyan, at mental at physical fitness ng mga driver at konduktor.
Tinutugunan din ng mga help desk ang mga reklamo at kahilingan ng mga pasahero, kabilang ang fare discount, problema sa booking, at kakulangan ng mga sasakyan.
Samantala, mahigit 1,200 ang pinagkalooban ng LTFRB ng special permit para sa Undas upang matiyak ang sapat na pampublikong transportasyon at maiwasan ang pagsisiksikan ng mga pasahero.
Patuloy ding mino-monitor ng ahensya ang mga ulat at reklamo sa social media, partikular ang mga posibleng paglabag sa mga road safety rules and regulations.
Nagbabala naman si Pua sa mga operator ng bus at iba pang PUV na tiyaking maibibigay ang nararapat na serbisyo sa mga pasahero, kasabay ng paalala na may kaukulang legal na pananagutan ang sinumang mapapatunayang lumabag sa mga regulasyon.
Inatasan din ang lahat ng Regional Franchising and Regulatory Offices (RFROs) na magsumite ng ulat hinggil sa kanilang mga isinagawang hakbang ngayong Undas, kabilang ang tally ng mga paglabag sa mga kondisyon ng CPC sa kani-kanilang nasasakupan. – VC











