
Pinawi ng Local Water Utilities Administration (LWUA) ang alalahanin ng publiko kaugnay sa posibleng kawalang ng tubig sa bansa sa gitna ng banta ng El Niño.
Ayon kay LWUA Administrator Atty. Jose Moises Salonga, mahalagang magtipid at maghanda para sa posibleng pagbaba ng suplay ngunit hindi ito nangangahulugan na magiging disyerto ang Pilipinas.
“Magkakaroon ng kakulangan sa pag-ulan, pero hindi ibig sabihin no’n na walang tubig o magiging disyerto ang Pilipinas,” ani Salonga.
Batay sa pagtataya ng Philippine, Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng makaranas ng meteorological drought ang buong bansa dahil sa inaasahang kaunting pag-ulan.
Gayunman, nilinaw ni Salonga na ang tagtuyot ay tumutukoy sa kakulangan ng ulan at hindi nangangahulugang tuluyang mawawalan ng tubig ang bansa.
Bilang paghahanda, naglabas na ang LWUA ng mga kautusan para sa 533 water districts sa buong bansa hinggil sa mga hakbang na dapat ipatupad upang matugunan ang posibleng pagbaba ng suplay ng tubig.
Patuloy ang pagpapatupad ng ahensya ng mga proyektong pang-imprastraktura upang matiyak ang sapat at maaasahang pagkukunan ng tubig, hindi lamang sa panahon ng El Niño kundi maging sa pangmatagalang pangangailangan ng mga komunidad.
Kabilang sa mga proyektong pinopondohan ng LWUA ang water source development at non-revenue water (NRW) recovery systems na naglalayong makahanap ng alternatibong pagkukunan ng tubig at mabawasan ang pagkawala o pagsasayang ng suplay sa mga sistema ng distribusyon.
Kasabay nito, pinalalakas ng ahensya ang pagpapalaganap ng impormasyon at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang mahikayat ang publiko sa responsableng paggamit ng tubig.
Kabilang sa mga rehiyong tinukoy ng LWUA na vulnerable sa kakulangan ng tubig sa banta ng paparating na Super El Niño ang Regions II, III at VI, Cordillera Administrative Region (CAR), Caraga, SOCCSKSARGEN, at Davao Region. – VC











