
Kinontra ng Malacañang ang alegasyon ng China na hinarang umano ng Pilipinas ang paglahok nito sa katatapos na 13th ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus) noong Oktubre 19 sa Cebu.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa lahat ng miyembro ng ASEAN at iba pang mga bansang inaasahang dadalo sa 49th ASEAN Summit and Related Summits sa Maynila sa Nobyembre 16-18.
“Nakikipag-ugnayan ang bansang Pilipinas sa lahat ng miyembro ng ASEAN at sa ibang bansa na maaaring lumahok dito sa ASEAN Summit. Mararamdaman naman ng mga lider kung paano nakikipag-ugnayan ang ating bansa sa kanila,” ani Castro.
Una nang pinabulaanan ng Malacañang ang alegasyon ng Beijing, at nilinaw na nakilahok pa rin ang China sa ADMM-Plus sa pamamagitan ng defense attaché nitong si Senior Captain Yang Lei, na nabigyan ng pagkakataong ilahad ang panig at posisyon ng Beijing.
Nag-ugat ang alegasyon matapos ipadala ng bansa si Yang sa halip na si Defense Minister Dong Jun, sa gitna ng pagdalo ng mga defense chief mula sa ilang bansa, kabilang ang United States, Japan at Australia.
Samantala, umaasa ang Malacañang na dadalo mismo si Chinese President Xi Jinping sa nalalapit na ASEAN Summit.
Ayon kay Castro, magiging mahalagang pagkakataon ang pagdalo ni Xi upang direktang mapag-usapan ng mga lider ang mga isyung nagdudulot ng tensyon sa rehiyon at matukoy ang mga posibleng hakbang upang maresolba ang mga ito.
“Mas maganda po na dumating po talaga ang liderato ng China dahil mas magandang pagkakataon ito para mapag-usapan kung anuman iyong mga maaaring may gusot at doon magkaroon na pagkakataong maresolba,” ani Castro.
Tiniyak naman ng Palasyo na hindi makakaapekto ang pahayag ng China sa pagdalo ng mga lider ng ASEAN sa ASEAN Summit – VC











