IBCTV13
www.ibctv13.com

Malacañang, umaasang mapapabilis ng Kongreso ang pagpasa ng priority bills ni PBBM

69
Views

[post_view_count]

The Batasang Pambansa plenary hall. (IBC File Photo)

Umaasa ang Malacañang na mapapabilis ng Kongreso ang pagpasa sa mga prayoridad na panukalang batas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasabay ng paniniwalang makikinabang dito ang mas maraming Pilipino.

Sa press briefing ngayong Miyerkules, Hulyo 15, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nananatiling positibo ang Pangulo na maaprubahan ng mga mambabatas ang mga natitirang priority bill sa kabila ng nalalapit na budget deliberations at ng nagpapatuloy na impeachment proceedings sa Senado.

“Umaasa po siya na ito ay mapapabilis kasi ito ay para talaga sa ating mga kababayan – so, mas gusto niya po itong maipasa agad,” ayon kay Castro.

Kasalukuyang naka-adjourn ang Senado at House of Representatives hanggang sa pagbubukas ng Second Regular Session ng 20th Congress sa Hulyo 27, kasabay ng nakatakdang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos Jr.

Mula sa walong priority bills na isinama ng Pangulo sa ilalim ng Proclamation No. 1318, nakabinbin pa sa bicameral conference committee ang panukalang National Center for Geriatric Health Act, ang mga amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act, at ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act.

Sa ngayon, hinihintay pa ang karagdagang aksyon ng Kongreso sa mga proposed amendment sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Naipadala naman sa Malacañang noong Hunyo 25 ang panukalang Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged and Conflict-Affected Areas Schools Act para sa lagda na lamang ng Pangulo matapos itong ma-enroll sa Kongreso.

Iniulat din ni Castro na naisulong na sa plenaryo ng Senado ang panukalang amyenda sa Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.

Sa Kamara, naaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Anti-Political Dynasty Bill at kasalukuyan na itong nasa yugto ng interpellation sa Senado habang nakalusot na rin sa ikatlong pagbasa ang panukalang Presidential Merit Scholarship Program at kasalukuyang nakabinbin na sa Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education.

Idinagdag ng Pangulo ang walong panukalang batas sa priority agenda ng  Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga reporma sa edukasyon, kalusugan, social protection at governance. – VC