
Tiniyak ng Manila Water Company Inc. ang tuluy-tuloy na suplay ng tubig sa mga nasasakupan nito sa East Zone ng Metro Manila at Rizal sa kabila ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam at nalalapit na kasagsagan ng El Niño.
Sa press briefing ngayong Martes, Hulyo 7, sinabi ni Manila Water Chief Operating Officer Arnold Mortera na walang inaasahang water interruption sa kanilang concession area.
Aniya, ang pinakamalaking posibleng epekto ay ang pagbaba ng water pressure sa ilang matataas na lugar, partikular sa Antipolo.
“There will be no interruptions in the east concession area. The worst could be just lower pressure in some areas, that may be felt only in off-peak hours from 10 p.m. to 4 a.m.,” ani Mortera.
Sinabi ni Mortera na nakahanda ang Manila Water na gamitin ang humigit-kumulang 40-60 line boosters upang mapanatili ang sapat na water pressure sa mga lugar na malalayo sa mga pumping station.
Samantala, nilinaw ni Mortera na hindi tulad ng mga nakaraang El Niño, hindi na lamang umaasa ang East Zone sa suplay mula sa Angat Dam.
Aniya, mayroon na silang mga alternatibong pinagkukunan ng tubig tulad ng Wawa-Calawis Treatment Plant (WTP), Laguna Lake-Cardona WTP, at Laguna Lake-East Bay TP Phase 1.
“Probably a little bit of reduction of allocation from Angat, but we have supplementary sources and activation of two water treatment plants in the last quarter of this year,” ani Mortera.
Target namang makumpleto ng Manila Water ang dalawa pang WTP bago matapos ang taon.
Kabilang dito ang second phase ng East Bay TP na inaasahang matatapos sa Setyembre at ang Kaysakat TP na nakatakdang makumpleto sa Oktubre.
Samantala, hinikayat ni Manila Water Communications Affairs Group Director Jeric Sevilla ang publiko at mga negosyo na ipagpatuloy ang matipid at responsableng paggamit ng tubig.
Nilinaw ni Sevilla na ang mga water interruption na nararanasan sa ilang lugar ay dulot lamang ng maintenance activities, at hindi dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig.
Batay sa 8:00 a.m. dam update ng PAGASA, bumaba pa sa 157.64 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam mula sa 158.23 meters nitong Lunes.
Mas mababa ito sa critical level na 160 meters at 22.36 meters na mababa kumpara sa minimum operating level na 180 meters.
Sa kasalukuyan, nagseserbisyo ang Manila Water sa mga lungsod ng Makati, Mandaluyong, Pasig, Pateros, San Juan, Taguig, Marikina, ilang bahagi ng Quezon City, at mga bayan sa lalawigan ng Rizal. – VC











