IBCTV13
www.ibctv13.com

Marcos Jr. admin, marami nang nagawa, pero marami pang kailangang ayusin – Palasyo

85
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. delivered his fifth State of the Nation Address before the joint session of Congress at the House of Representatives in Quezon City on July 27, 2026. (File photo of PCO)

Marami nang naisakatuparan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula nang maupo ito noong 2022, ngunit binigyang-diin na marami pang kailangang ayusin at pagbutihin bago matapos ang kanyang termino, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.

Sa press briefing nitong Biyernes, isa-isang inilahad ni Castro ang mga pangunahing programa at hakbang ng administrasyon bilang tugon sa tanong kung nasaan na ang Pilipinas habang papalapit ang pagtatapos ng termino ng Pangulo.

Ayon kay Castro, kabilang sa mga pangunahing maipagmamalaki ng Marcos Jr. admin ang pagkamit ng Pilipinas ng upper-middle-income status noong Hulyo, matapos umabot sa $4,850 ang gross national income (GNI) per capita ng bansa.

“Unang-una na maipagmamalaki ng Pangulo ay narating natin ang Upper-Middle Income Status na matagal nang minimithi,” ani Castro.

Binigyang-diin din ng Palace official ang pagtanggal ng Pilipinas sa Financial Task Force (FATF) grey list noong Pebrero 2025, matapos ang ilang taon ng mahigpit na monitoring sa bansa kaugnay ng mga hakbang laban sa money laundering at terrorism financing.

Sa agrikultura, sinabi ni Castro na isinusulong ng administrasyon ang modernisasyon ng sektor at mga hakbang para matugunan ang interes ng mga magsasaka at mangingisda.

Ang Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program, na patuloy na nagbibigay ng mas maayos at abot-kayang pabahay sa mga Pilipino.

Sa kalusugan, ibinida ni Castro ang zero balance billing (ZBB) at ang pagpapalawak ng mga benepisyo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Ang mga proyekto para sa pagpapahusay ng transport system, kabilang ang Metro Manila Subway Project.

Sa ilalim ng Marcos Jr. admin, binigyang-prayoridad din ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) hindi para maghikayat ng digmaan kundi para mapalakas ang kakayahan ng bansa na protektahan ang pambansang interes at seguridad.

Ibinahagi rin ang layunin ng administrasyon na mapalawak ang connectivity sa buong bansa, mula Batanes hanggang Tawi-Tawi.

Kasabay nito, nais ng administrasyon na tiyaking hindi mapag-iiwanan ang Pilipinas sa mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence (AI).

Sa huli, sinabi ng opisyal na nagsisilbi lamang pundasyon ang mga isinagawang hakbang ng pamahalaan para sa pagpapatuloy ng mga reporma at programa ng pamahalaan para sa natitirang bahagi ng termino ng Pangulo.

“Maraming nagawa pero marami pa ring dapat ayusin,” ani Castro. – VC