
Inihahanda na ng pamahalaan ang panibagong fuel assistance sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) para sa mga sektor na higit na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Arnel de Mesa, kabilang sa mga unang makatatanggap ng bagong ayuda ang mga magsasaka at mangingisda.
Ngayong panahon ng anihan, umaasa ang mga magsasaka sa mga combine harvester na gumagamit ng diesel, habang kailangan naman ng mga mangingisda ng gasolina para sa kanilang mga de-motor na bangka.
Pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang pagbabalik ng libreng toll para sa mga sasakyang naghahatid ng produktong agrikultural papasok at palabas ng Metro Manila.
Ayon sa DA official, mahalagang mabawasan ang gastos sa transportasyon dahil karaniwang naipapasa sa mga mamimili ang dagdag na gastos kapag tumataas ang presyo ng petrolyo.
Samantala, pinag-aaralan ng DA ang panukalang pagtaas ng taripa sa imported na baboy.
Ayon kay De Mesa, kailangang maingat na suriin ang panukala upang maiwasan ang malaking pagtaas ng presyo ng baboy at mga lokal na produkto tulad ng hotdog at luncheon meat.
“Kailangang balansehin para hindi makaapekto sa pagtaas ng presyo ng bilihin lalo na sa inflation. We really need to have a careful balance,” ani De Mesa.
Sa sektor naman ng transportasyon, pinalalawak pa ng Department of Transportation (DOTr) ang fuel subsidy para sa iba pang uri ng pampublikong transportasyon.
Kasalukuyang nakikinabang sa fuel discount ang mga public utility jeepney at UV Express drivers.
Sa ngayon, itinaas na ng DOTr mula P10 tungo sa P12 ang diskwento sa gasolina.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, patuloy na dinidinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga petisyon para sa taas-pasahe.
“Ongoing naman po lahat ng DOTr initiatives at sana maging last resort po ‘yung pagbibigay natin ng fare hike. It’s just a matter of time,” ani Lopez. – VC











