IBCTV13
www.ibctv13.com

Mas mabilis na pagdating ng tulong sa panahon ng kalamidad, asahan kasunod ng pinaigting na kooperasyon ng ASEAN

216
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. emphasized the importance of regional cooperation in responding to natural disasters during the opening of the 49th ASEAN Summit and Related Meetings in Philippine International Convention Center in Pasay City last Sunday, November 15. (Photo courtesy of PCO)

Inaasahang mapabibilis pa ang pagdating ng tulong para sa mga Pilipinong apektado ng bagyo, baha, at iba pang kalamidad kasunod ng pinaigting na pagtutulungan ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa ilalim ng chairship ng Pilipinas ngayong 2026.

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng mga bansa sa pagtugon sa mga kalamidad sa pagbubukas ng 49th ASEAN Summit and Related Meetings sa Pasay City nitong Linggo, Nobyembre 15.

Kabilang sa mga isinusulong na hakbang ng ASEAN ang pagpapabilis ng pagbabahagi ng impormasyon, agarang paghahatid ng pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan, gayundin ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng mga emergency response team ng bawat bansa.

Ang mga hakbang ay mahalaga para sa Pilipinas, na nakararanas ng humigit-kumulang 20 bagyong pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bawat taon.

Sa ilalim ng pinaigting na kooperasyon, inaasahang makapagpapadala ang mga ASEAN member state ng mga rescue team, pagkain at iba pang emergency supplies sa mga bansang nangangailangan ng agarang tulong.

Pangunahing makikinabang dito ang mga komunidad sa mga baybaying lugar, mga lalawigang madalas makaranas ng pagbaha, at iba pang lugar na vulnerable sa mga natural na kalamidad.

Kasama rin sa mga prayoridad ang pagpapahusay ng disaster preparedness at pagpapalakas ng mga early warning system upang matiyak na mas maagang makapaghahanda ang mga komunidad bago tumama ang mga sakuna.

Ayon sa Pangulo, patuloy na sinusubok ng climate change at iba pang malalaking kalamidad ang kakayahan ng mga bansa na tumugon sa mga emergency.

“No Member State possesses every resource, every capability, or every solution required by the challenges and opportunities that we face,” ani Pangulo.

Dahil dito, sinabi ng Pangulo na malaking tulong ang suporta ng mga karatig bansa, lalo na kapag nasasagad ang kakayahan na tugunan ang lawak ng pinsalang dulot ng kalamidad.

“But where national capacities are tested, regional strength reinforces,” dagdag ng Pangulo.

Sa huli, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang mga nagawa ng ASEAN sa pagpapalakas ng regional cooperation at pagtutok sa kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan.

“We kept our people at the centre,” ani Pangulo. – VC