IBCTV13
www.ibctv13.com

Mas maraming bansa pa ang nagpahayag ng suporta sa isinusulong na regional oil stockpiling system ni PBBM sa ASEAN – DTI

152
Views

[post_view_count]

Malampaya gas field located off the northwest coast of Palawan. (File photo of PCO)

Limang bansa ang nagpaabot ng interes sa isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na oil stockpiling system sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kabilang na ang Singapore, Indonesia, Malaysia, at United Arab Emirates (UAE).

Sa press briefing ngayong araw, Nobyembre 16, inanunsyo ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ma. Cristina Roque na magsusumite na ang Economic Research Institute for ASEAN and East Asia (ERIA) ng kanilang mga pag-aaral at rekumendasyon hinggil sa panukalang pagtatatag ng regional oil stockpiling system.

Bahagi ito ng inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa ilalim ng chairship ng Pilipinas sa ASEAN, na palakasin ang seguridad sa suplay ng langis sa rehiyon, partikular sa panahon ng krisis o pagkaantala sa pandaigdigang suplay ng petrolyo.

Sa ilalim ng panukala, maglalaan at mag-iimbak ng reserbang langis ang mga kasaping bansa sa mga bansang may sapat na pasilidad.

Sa pamamagitan nito, maaaring kumuha ng suplay ng langis ang mga bansang makararanas ng kakulangan mula sa iba pang bansa sa rehiyon, sa halip na umasa lamang sa mga supplier mula sa malalayong merkado.

“By having access to regional oil stockpiles during times of need, countries can respond more effectively to supply shocks, helping stabilize energy supplies and prices,” giit ni Roque.

Inaasahang makatutulong din ang sistema upang mapababa ang gastos sa transportasyon at logistics, gayundin upang mapabilis ang paghahatid ng langis sa mga bansang mangangailangan nito sa panahon ng krisis.

“This will make it easier also in case a country needs oil, rather than buying oil from countries that are far, to lessen the cost also, the logistics cost. We can now purchase across ASEAN,” dagdag ng kalihim.

Matatandaang unang iminungkahi ni Pangulong Marcos Jr. noong Abril sa mga miyembro ng Asia Zero Emission Community (AZEC) ang pagsasagawa ng regional study para sa pagtatatag ng sama-samang sistema ng pag-iimbak ng langis. –VC