
Sa loob ng maraming taon, nanatiling hamon para sa maraming pamilyang Pilipino ang kakulangan sa pagkain at mabagal na pagdating ng mga tulong, lalo na sa panahon ng mga kalamidad at krisis.
Marami ang naghihintay nang matagal bago makatanggap ng ayuda, habang ang paghahanda at pamamahagi ng relief goods ay kadalasang manu-mano kaya naaantala ang pag-abot ng tulong sa mga nangangailangan.
Ito ang isa mga suliraning nais tugunan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng pagpapabilis ng mga serbisyong panlipunan at pagpapalawak ng access ng mga benepisyaryo sa mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Ilapit ang tulong, pabilisin ang serbisyo, at siguraduhing may nakakain ang bawat pamilyang Pilipino,” ang naging direktiba ng Pangulo.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, malinaw ang layunin ng administrasyon na tuluyang mawakasan ang kagutuman sa bansa.
“Ang direktiba ng Pangulo ay siguraduhin na wala nang pamilyang Pilipino ang nagugutom upang maging bahagi sila ng productive workforce,” ani Gatchalian.

Matatandaan noong nakaraang Abril ay personal na ininspeksyon ng Pangulo ang implementasyon ng ilan sa mga pangunahing programa ng DSWD.
Kabilang dito ang Walang Gutom: Food Stamp Program, kung saan ang mga kwalipikadong benepisyaryo tulad ni Lola Lumen, ay tumatanggap ng P3,000 food credits bawat buwan sa pamamagitan ng kanilang electronic benefit card.
Ginagamit ang food credits upang makabili ng masusustansyang pagkain sa mga accredited partner stores ng DSWD, na nag-aalis sa pangangailangang bumiyahe nang malayo at nagpapabilis sa pagkuha ng kinakailangang pagkain ng mga benepisyaryo.
“Meron na ring balansyadong nutritional ang ibinibigay lalo na sa mga bata,” ani Pangulong Marcos Jr.

Pinahusay din ng DSWD ang sistema ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pamamagitan ng digital na distribusyon ng cash grants.
Kung dati ay kinakailangang maglaan ng mahabang oras sa pagbibiyahe upang makuha ang ayuda, maaari na ngayong ma-access ng mga benepisyaryo ang kanilang cash benefits gamit ang cellphone, na layong gawing mas mabilis, mas diretso, at mas ligtas ang serbisyo.
“These are the underserved areas. Lahat ginagawa natin para maging madali para sa kanila ang pagkuha nila ng mga cash benefit nila,” ani Pangulo.

Kaugnay nito, pinabilis din ng DSWD ang paghahanda at pamamahagi ng relief assistance sa panahon ng kalamidad sa pamamagitan ng mas maayos na prepositioning at mass production ng relief goods.
Kung dati ay inaabot ng ilang araw bago makarating ang kinakailangang tulong sa mga apektadong komunidad, ngayon ay naipapadala na ang relief assistance sa loob lamang ng ilang oras dahil sa mas maagang paghahanda ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng Walang Gutom: Food Stamp Program, digitalisasyon ng 4PS, at pagpapabilis ng disaster response, isinusulong ng pamahalaan ang mga hakbang na naglalayong mapalakas ang social protection at matiyak na mas mabilis na naaabot ng tulong ang mga pamilyang nangangailangan.
Sa gitna ng matagal nang hamon ng kagutuman, kahirapan, at mga kalamidad, nananatiling layunin ng pamahalaan na mabigyan ang mga Pilipino ng mas mabilis, mas episyente, at mas madaling maabot na serbisyong panlipunan upang matiyak na walang pamilyang magugutom, mapapabayaan, o maiiwan sa paghahatid ng tulong ng gobyerno. – VC











