
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas pinaigting na ugnayan sa Singapore at pagpapalawak ng kooperasyon sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, artificial intelligence (AI), teknolohiya, kalusugan, at edukasyon sa kanyang dalawang araw na working visit sa nasabing bansa mula Hulyo 14-16.
Sa kanyang post-visit statement, sinabi ng punong ehekutibo na napagtibay ang relasyong Pilipinas-Singapore sa kanyang pakikipagpulong kay Singapore Prime Minister and Finance Minister Lawrence Wong, mga namumuhunan at business leader sa nasabing bansa sa kabila ng mga sigalot at pandaigdigang hamon.
Pinagtibay ng dalawang lider ang kanilang pangako tungo sa mas matatag at nagkakaisang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), sa magkasunod na paghawak ng Pilipinas at Singapore sa ASEAN Chairships.
“We discussed advancing cooperation in trade and investment; navigating the growth and use of artificial intelligence (AI) as it affects various primary industries; education; the environment; healthcare; and people-to-people exchanges,” ayon kay Pangulong Marcos Jr.
Binigyang-diin naman ng Pangulo ang pangako ng Pilipinas tungo sa digital transformation, pagpapaunlad ng mga mahahalagang imprastraktura, at mas pinalawak na access sa dekalidad na serbisyong-pangkalusugan.
Samantala, ibinahagi ni Pangulong Marcos Jr. ang naging pagpupulong sa Singtel Group at ABC Impact na nakatuon sa kanilang patuloy na pamumuhunan at pagpapalawak ng kooperasyon sa Pilipinas, na inaasahang magpapalakas sa digital infrastructure at AI capabilities.
Katunayan, pinagtibay ng Singtel ang pagpapalawak ng NCS Philippines at pagpapaunlad sa Telemedia Global Data Centres’ facilities, habang patuloy naman ang suporta ng ABC Impact sa pagpapalawak sa AC Health na inaasahang magpapabuti sa access sa health care services at lilikha ng libu-libong trabaho sa mga Pilipino.
“The discussions focused on deepening cooperation in digital technology, telecommunications, data centers, AI, and healthcare—key sectors that will enhance the country’s innovation ecosystem, improve essential services, and support long-term, inclusive economic growth,” ayon sa Pangulo.
Ibinida rin ng Pangulo ang Pilipinas bilang isang “resilient investment destination” na may matatag na ekonomiya sa tulong ng 52 milyong labor force na isa sa pinakamalaking consumer markets sa buong Southeast Asia.
“As a newly designated upper middle-income country with solid macroeconomic fundamentals, the Philippines offers a secure, transparent, and stable environment for businesses to thrive,” saad ni Pangulong Marcos Jr.
Sa huli, nagpasalamat ang punong ehekutibo sa pamahalaan at mga residente ng Singapore sa kanilang mainit na pagtanggap, kasabay ng hangaring makasama muli ang Prime Minister sa 49th ASEAN Summit and Related Summit sa pagtatapos ng taon. – VC











