
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng mas pinalawak na School-Based Feeding Program (SBFP) sa buong bansa ngayong Miyerkules, Hulyo 8, sa layuning wakasan ang kagutuman bilang balakid sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Sa national kick-off ng SBFP at Milk Feeding Activity sa Pulilan Central School sa Bulacan, ibinahagi ng Pangulo ang desisyon ng pamahalaan na higit na palawakin ang naturang programa matapos mapag-alaman na maraming bilang ng mga estudyante ang apektado ng kagutuman.
“Natuklasan naman namin na karamihan naman ay dapat talaga pakainin na lang natin. Huwag na natin piliin kung sino ‘yong mga dapat bigyan at sino ang hindi kasama sa feeding program, at ginawa po natin ito kagaya ng sabi ni Sec. Sonny,” paliwanag ni Pangulong Marcos Jr.
Tinukoy ng Pangulo ang pagiging masyadong maliit o stunted at ang madalas na pagiging sakitin bilang ilan sa epekto ng kakulangan sa pagkain ng maraming kabataan.
“Kaya tinanggal na natin ang problema na ‘yan para tiyak tayo na lahat ng mga pumapasok na nag-aaral ay hindi na kailangan alalahanin ang kanilang kakainin, hindi na alalahanin ang kanilang mga pamilya. Ang pamahalaan na ang tutulong at ang pamahalaan na ang magpapakain,” saad ni Pangulong Marcos Jr.
Samantala, binigyang-diin ng punong ehekutibo ang mahalagang papel ng Department of Agriculture (DA) upang maisakatuparan ang SBFP.
Sa ilalim ng programa, DA ang responsable sa paghahanap ng suplay kung saan bibigyang prayoridad ang mga magsasaka, kumpara sa malalaking groceries.
Ayon sa Pangulo, sabay-sabay ang rollout ng SBFP sa buong bansa mula Kindergarten hanggang Grade 1 para masigurong walang bata ang papasok sa paaralan nang walang laman ang tiyan.
“At sila ay makapag-aaral na mabuti at kasama na po yan dahil marami tayong ginagawa para pinabago natin ang pag-aaral para tayo naman masasabi natin, hinanda na natin ang ating mga kabataan para sa kanilang kinabukasan at sa kinabukasan ng Pilipinas,” pahayag ni Pangulong Marcos Jr.
Para sa School Year 2026-2027, magkakaroon ng universal feeding sa lahat ng Kinder hanggang Grade 1 habang maghahatid naman ng mainit at masustansyang pagkain, kabilang ang gatas, sa mga mag-aaral mula Grade 2 hanggang Grade 6 na itinuturing na ‘wasted’ o ‘severely wasted’
Ang School-Based Feeding Program at Milk Feeding Activity ay isang flagship nutrition intervention ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng Republic Act 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act. – VC











