IBCTV13
www.ibctv13.com

Metro Manila, patuloy na magiging maayos ang suplay ng tubig dahil sa mataas na antas ng Angat Dam – UPRI

120
Views

[post_view_count]

Angat Dam in Norzagaray, Bulacan. (File photo of PIA)

Nananatiling maganda ang kondisyon ng suplay ng tubig sa Metro Manila sa mga susunod na buwan sa kabila ng banta ng El Niño, ayon kay UP Resilience Institute Executive Director Dr. Mahar Lagmay.

Ito ay matapos maitala noong Oktubre 12 ang pinakamataas na antas ng tubig sa Angat Dam sa kaparehong petsa sa nakalipas na 12 taon, na iniuugnay sa mga pag-ulang dulot ng mga nagdaang Habagat.

Ayon kay Lagmay, nasa magandang kondisyon ang Angat Dam, na nagsusuplay ng humigit-kumulang 90% ng pangangailangan sa tubig ng Metro Manila.

“We are in a very good condition. Sa ngayon, puno ang Angat Dam, and it supplies 90% of the domestic water supply ng Metro Manila,” ani Lagmay.

Gayunman, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtitipid sa tubig upang mapanatili ang sapat na suplay sa mga susunod na buwan, lalo na habang hinihintay ang muling pagdating ng tag-ulan.

“Kung hindi tayo magiging waldas, magtitipid tayo, malaking hakbang ’yon,” ani Lagmay.

Iginiit din ng professor na hindi lamang ang pamahalaan ang may pananagutan sa pangangalaga ng suplay ng tubig, kundi ang bawat mamamayan na gumagamit nito sa araw-araw.

“Iyong conservation, hindi lang naman ito problema ng gobyerno, problema natin itong lahat. ’Yung simpleng pagtitipid ng tubig, malayo ang magagawa no’n,” aniya.

Samantala, sinabi ni Lagmay na mahalagang ipagpatuloy ng pamahalaan ang mga pag-aaral upang matukoy kung sapat ang nakaimbak na tubig sa mga dam para sa inaasahang pangangailangan ng publiko.

Hinimok din niya ang mga kinauukulang ahensya na regular na ipaalam sa publiko ang kalagayan ng mga imbakan ng tubig upang magkaroon ng sapat na impormasyon at maiwasan ang pangamba.

“Kalma lang tayo, dahil mayroong paraan, mayroong siyensiya na magtatawid sa atin dito sa El Niño na ito,” ani Lagmay. – VC