
Pinaiigting ng pamahalaan ang pinagsanib na aksyon at koordinasyon sa pagtugon sa pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao sa ilalim ng whole-of-government approach na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kasama ang kanyang cabinet secretaries na personal na nakatutok ngayon sa Mindanao, isang situation briefing ang pinangunahan ng Pangulo ngayong araw, Hunyo 9, kasunod ng lindol.
Sa harap ng mga kalihim at kinauukulang ahensya ng pamahalaan, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng agarang pagsusuri sa kalagayan ng mga ospital upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente mula sa pinsala sa mga gusali.
Iniulat naman ng Department of Health (DOH) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagpapatuloy na assessment sa mga apektadong ospital at imprastraktura upang matukoy ang lawak ng pinsala at mga kinakailangang pagkukumpuni.
Sa parte ng Department of Energy (DOE), binibigyang-prayoridad ang pagbabalik at pagpapanatili ng matatag na suplay ng kuryente sa mga pagamutan at iba pang mahahalagang pasilidad.
Kinumpirma rin ng DOE na naibalik na ang kuryente sa malaking bahagi ng mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Patuloy naman sa pamamahagi ng tulong sa mga apektadong lugar ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang Philippine Air Force at Philippine Coast Guard, partikular sa mga komunidad na kasalukuyang hindi madaanan ng mga sasakyan.
Ayon sa DOH, nakapaghatid na ang ahensya ng kinakailangang medical assistance sa mga biktima ng lindol, habang nakikipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga paaralan.
Samantala, nananatiling matatag ang komunikasyon at internet services sa mga apektadong lugar ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT). – VC











