IBCTV13
www.ibctv13.com

MMDA, ipatutupad ang full lockdown, traffic rerouting simula Nov. 7 bilang paghahanda sa 49th ASEAN Summit

93
Views

[post_view_count]

Philippine International Convention Center (PICC) in Pasay City has completed an extensive, complex-wide renovation to serve as the main venue for the 49th ASEAN Summit and Related Summits from November 16–18, 2026. (Photo courtesy of PCO)

Opisyal nang nagsagawa ng partial lockdown ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Philippine International Convention Center (PICC) complex noong Oktubre 24 bilang paghahanda sa nalalapit na 49th ASEAN Summit 2026 na gaganapin sa Metro Manila.

Sa panayam sa “Bangon, Bayang Mahal!” ng Radyo Pilipinas, sinabi ni MMDA Traffic Discipline Office Director for Enforcement Atty. Victor Nuñez na bahagi ito ng paghahanda sa full lockdown na nakatakdang ipatupad sa Nobyembre 7.

Sa ilalim ng naturang hakbang, tanging mga delegado at awtorisadong kinatawan ng pamahalaan ang papayagang makapasok sa buong PICC complex.

Inaasahang maaapektuhan ng isasagawang lockdown ang mga pangunahing lansangan sa paligid ng venue, kabilang ang Seaside Boulevard at Diosdado Macapagal Boulevard.

Bilang alternatibong ruta, pinapayuhan ang mga motorista na patungong Northbound na dumaan sa Macapagal Blvd patungong Roxas Blvd, Seaside Blvd, o iba pang angkop na ruta.

Samantala, maaari namang dumaan sa EDSA, Diokno Blvd., at Macapagal Blvd., ang mga motoristang patungong Southbound.

Sa mismong araw ng aktibidad, pinag-aaralan din ng MMDA ang pagpapatupad ng stop-and-go scheme sa ilang kalsada tuwing daraan ang mga lider ng ASEAN member states at iba pang mataas na opisyal.

Iniutos na ng ahensya ang pansamantalang suspensyon ng lahat ng road excavation at repair works sa Metro Manila simula 12:00 a.m. ng Nobyembre 1 hanggang 12:00 p.m. ng Disyembre 23 upang maiwasan ang karagdagang abala sa lansangan.

Kasabay nito, pansamantalang ititigil ang pag-iisyu ng mga permit para sa fun run, motorcade, procession, at iba pang pampublikong aktibidad sa mga itinalagang ASEAN routes mula Oktubre 24 hanggang Nobyembre 24.

Nanawagan naman ang MMDA sa publiko na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe, umiwas sa mga lugar na sakop ng traffic restrictions, at sumunod sa mga abiso ng awtoridad upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa mismong mga araw ng ASEAN Summit. – VC