
Pinaiigting ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paghahanda nito upang matiyak ang sapat na suplay ng malinis at ligtas na inuming tubig sa mga komunidad na posibleng maapektuhan ng Super El Niño.
Sa DSWD Media Forum ngayong Huwebes, Oktubre 15, sinabi ni Disaster Response Management Bureau (DRMB) Director Maria Isabel Lanada na nakahanda ang ahensya na mag-deploy ng mga mobile water treatment unit at tanker upang tugunan ang posibleng kakulangan sa malinis na tubig sa mga komunidad.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kahandaan ng mga ahensya ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa epekto ng mga sakuna.
Ayon kay Lanada, kayang magproseso ng mga mobile water treatment unit ng tubig mula sa iba’t ibang pinagkukunan, kabilang ang groundwater, surface water, at brackish water.
“Ang two water tankers natin ay nagsu-supply ng malinis na tubig. Ang isa ay treatment unit at ang isa naman po ay potable water. May capacity po ito na 2,500 liters per hour na pwedeng ipamigay sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Lanada.
Gayunman, ang deployment nito ay kailangang dumaan sa pormal na kahilingan at sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.
Bago gamitin ang anumang pinagkukunan ng tubig, sinusuri muna ito ng mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang City Health Office o Municipal Health Office upang matiyak na ligtas itong iproseso.
Ayon pa kay Lanada, maari ring pagkunan ng tubig ang mga pasilidad na itinayo sa ilalim ng Project Local Adaptation to Water Access (LAWA) ng DSWD, kabilang ang mga small water impounding project (SWIP), kung mapatutunayang angkop ang mga ito para sa water treatment.
Layunin ng Project LAWA na mapahusay ang pamahahala sa yamang-tubig at mapalakas ang kakayahan ng vulnerable communities na makaangkop sa mga epekto ng El Niño, La Niña at iba pang panganib na dulot ng pagbabago ng klima. – VC











