IBCTV13
www.ibctv13.com

Nakuhang P96-B pangakong pamumuhunan ni PBBM mula Singapore, patunay sa pagiging bukas ng Pilipinas sa negosyo – political analyst

95
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. during the 2026 Forbes Global CEO Conference in Singapore last Thursday, October 8. (Photo courtesy of PCO)

Bukas ang Pilipinas na tumanggap ng mas maraming pamumuhunan ang malinaw na mensaheng naiparating ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naging working visit niya sa Singapore, ayon kay political analyst Prof. Froilan Calilung.

Para kay Calilung, isa sa pinakamahalagang resulta ng pagbisita ng Pangulo ang nakolektang investment commitment na nagkakahalaga ng mahigit P96 bilyon.

Binigyang-diin ng political analyst na mahalagang matiyak na ang mga pamumuhunang nakuha ng bansa ay maaaksyunan upang maging aktwal na benepisyo para sa mga Pilipino tulad ng mga trabaho.

“Malaki at magandang senyales ito, we just really need to make sure na the government will be able to lay down the necessary mechanisms para masiguro na magreresulta ng karagdagang trabaho para sa atin,” ani Calilung.

Maliban sa layuning makasiguro ng pamumuhunan, mahalaga aniya ang pakikipag-ugnayan ng Pangulo sa iba’t ibang mga bansa o economic powerhouses upang matutunan ang kanilang mga estratehiya at konkretong hakbang sa pagpapaunlad ng ekonomiya.

“Mahalaga ito upang ma-market ang bansa bilang isang investment hub, maipakita ang infrastructure, human capital, at tayo ay open for business,” dagdag ni Calilung.

Tinawag din ni Calilung ang pagbisita ng Pangulo sa Singapore Nuclear Research and Safety Institute bilang isa sa mga mahalagang bahagi ng working visit sa Singapore.

Aniya, maaaring magsilbing benchmark ng Pilipinas sa pagbuo ng mga mekanismo para sa regulasyon ang Singapore para sa posibleng paggamit ng nuclear energy.

“Kung ever we are going to look into the viability of having nuclear energy as a long-term power alternative, magandang gamitin nga natin itong Singapore model,” paliwanag ni Calilung.

Dagdag pa ng political analyst, inaasahang makatutulong ang bilateral talks sa pagitan ng Pilipinas at Singapore para sa pagpapatuloy ng mahahalagang prayoridad ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), lalo na sa economic integration at usapin sa South China Sea.

“I think the President is on the right track especially considering Singapore is a country that we really could benchmark with in so many different aspects,” ani Calilung. – VC