IBCTV13
www.ibctv13.com

National Reintegration Program ng DMW, hatid ay pag-asa sa mga nagbabalik-bansa; bagong simula at kabuhayan sa sariling bayan, pangako ni PBBM sa mga OFW

62
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. welcomed another batch of repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs) from the Middle East on March 22, as part of the government’s continued efforts to bring home Filipinos affected by ongoing tensions in the region. (Photo courtesy of PCO)

Sa loob ng maraming taon, naging simbolo ng sakripisyo ang bawat pag-alis ng Overseas Filipino Workers (OFWs) upang maitaguyod ang kinabukasan ng kanilang mga pamilya. 

Kasabay naman ng kanilang paglalakbay ay ang pangambang baka sa oras ng kanilang pag-uwi ay wala nang kasiguraduhan ang kanilang kabuhayan.

Matapos ang mahabang panahon ng pagtatrabaho sa ibang bansa, marami sa kanila ang muling nagsisimula sa paghahanap ng pagkakakitaan sa sariling bayan, kadalasan ay walang sapat na suporta upang makapagpatuloy ng disenteng hanapbuhay.

Ito ang isa sa mga hamong nais tugunan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaya’t mula pa sa pagkakatatag ng Department of Migrant Workers (DMW), isinulong ng kanyang administrasyon ang National Reintegration Program upang matiyak na tuluy-tuloy ang suporta ng pamahalaan sa mga OFW hanggang sa matapos ang kanilang kontrata sa ibang bansa.

“Ito ay program ng Department of Migrant Workers para tuloy-tuloy ang tulong kahit na nakauwi na ang mga OFW ay may tulong pa rin silang natatanggap sa pamahalaan,” ayon kay Pangulong Marcos Jr.

Sa pamamagitan ng programang ito, pinalalawak ng pamahalaan ang access ng mga OFW sa iba’t ibang livelihood training, skills development, at entrepreneurship programs upang magkaroon sila ng mga oportunidad na makapagtaguyod ng sariling kabuhayan sa Pilipinas.

Matatandaan noong Marso ay personal na binisita ng Pangulo ang ilan sa mga training program na isinasagawa ng DMW, kabilang ang soap-making livelihood training sa Laguna na nagbibigay ng panibagong pagkakakitaan sa mga nagbalik-bansang OFW.

Kabilang sa mga benepisyaryo ay ang mga dating seaman, chef, at housekeeping staff na sa tulong ng programa ay unti-unti nang nakapagtatag ng sarili nilang negosyo.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, layunin ng pamahalaan na gawing mas organisado at komprehensibo ang paghahatid ng serbisyo sa mga nagbabalik na migranteng manggagawa. 

“Sa kanilang pag-uwi ay dapat ganap ang tulong at suporta, hindi mga government agencies na magkakahiwalay, kundi sanib-puwersa,” ani Cacdac

Kaagapay din ng DMW ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagbibigay ng business training at mentoring program upang maging matatag at pangmatagalan ang kabuhayang itinatayo ng mga dating OFW.

“Ang laki ng ginawa nilang sakripisyo para magtrabaho sa ibang bansa. Tinatawag natin silang bagong bayani. Dapat naman ay pag-uwi nila ay mayroon naman tayong maitulong sa kanila para patuloy naman ang kanilang hanapbuhay,” ayon sa Pangulo.

Sa tulong ng pinalalawak na reintegration program tampok ang nakahandang livelihood assistance na mas nagiging epektibo dahil sa maigting na koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, tinitiyak ng administrasyong Marcos Jr. sa mga OFW na hindi na dapat ikabahala ang pagpirmi sa Pilipinas.

Sa gitna ng mga hamon na kanilang kinaharap matapos ang pagtatrabaho sa labas ng bansa, nananatiling layunin ng gobyerno na mabigyan sila ng sapat na oportunidad at tuluy-tuloy na suporta upang ang kanilang pagbabalik sa Pilipinas ay maging simula ng panibagong pag-asa para sa kanilang pamilya at sa patuloy na pag-unlad ng bansa. – VC