
Isinasapinal na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang security plan para sa 49th ASEAN Summit na gaganapin sa Maynila mula Nobyembre 16-18, ayon kay NCRPO spokesperson PLtCol. Hazel Asilo.
Sa panayam sa Sentro Balita ng PTV, sinabi ni Asilo na activated na ang Task Group Metro Manila ASEAN 2026 at patuloy ang koordinasyon nito sa mga partner agency at local government units bilang paghahanda sa tatlong araw na international summit.
Sa gitna ng preparasyon, sinabi ng opisyal na wala nakikitaang banta o ulat ng “possible disruption” sa naturang pagtitipon.
Gayunman, nagpapatuloy ang intelligence monitoring at threat assessment ng mga awtoridad upang matiyak ang seguridad ng publiko at mga delegado.
“Handa naman ang pwersa ng NCRPO, at mayroon tayong mga naka-ready na contingency plans,” ani Asilo.
Samantala, wala pang ipinatutupad na road closure o traffic advisory ang NCRPO kaugnay ng summit.
Ayon kay Asilo, maglalabas ang ahensya ng pormal na abiso sakaling kailanganin ang road adjustment habang papalapit ang pagtitipon.
Hinimok naman ng opisyal ang mga motorista na manatiling nakaantabay sa mga opisyal na anunsyo upang makapaghanda sa anumang pagbabago sa daloy ng trapiko.
Nanawagan din si Asilo sa publiko na makipagtulungan sa mga traffic enforcer at agad iulat sa 911 o pinakamalapit na police station ang anumang kahina-hinalang indibidwal, aktibidad, o bagay. – MP











