IBCTV13
www.ibctv13.com

NCSC at LandBank, digitized na ang pagbibigay ng cash gift para sa mga senior citizen

144
Views

[post_view_count]

NCSC Chairperson and CEO Ma. Merceditas Gutierrez and Landbank President and CEO Lynette Ortiz formalized a partnership to digitalize the nationwide distribution of cash gifts for senior citizens on Wednesday, July 1. (Photo courtesy of NCSC)

Mas mapapabilis at magiging mas ligtas na ang pagtanggap ng mga senior citizen ng kanilang cash gift sa ilalim ng Expanded Centenarians Act matapos lumagda sa isang kasunduan ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) at Land Bank of the Philippines (Landbank) para sa digital na distribusyon ng cash gifts.

Nilagdaan nina NCSC Chairperson at CEO Ma. Merceditas Gutierrez at Landbank President at CEO Lynette Ortiz ang kasunduan noong Hulyo 1.

Layunin ng kasunduan na maipatupad sa buong bansa ang digital distribution ng cash gifts alinsunod sa Republic Act. No 11982.

Sa ilalim ng batas, makatatanggap ng P10,000 ang mga senior citizen na aabot sa edad na 80, 85, 90, 95, habang P100,000 naman ang matatanggap ng mga aabot sa edad na 100.

Ayon kay Gutierrez, layunin ng partnership na mailapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga senior citizen sa pamamagitan ng pag-alis ng mga karaniwang hadlang sa pagkuha ng kanilang benepisyo.

“By modernizing our financial delivery systems, we are not just distributing funds; we are actively eliminating barriers, reducing long lines, and delivering dignity, security, and respect to our older population,” aniya.

Sa ilalim ng kasunduan, ang mga kwalipikadong benepisyaryo na may umiiral nang Landbank account ay maaaring direktang makatanggap ng cash gift sa kanilang account. 

Maaaring gamitin ang iba pang digital payment channels ng Landbank tulad ng weAccess internet banking facility, bulk crediting system, PISO Plus Account, LANDBANK Visa Debit Card, at iba pang itinalagang bank account.

Samantala, ang mga wala pang Landbank account ay maaaring magbukas sa pamamagitan ng Landbank Mobile Banking App o Digital Onboarding System sa alinmang branch ng bangko upang mabawasan ang kinakailangang dokumento.

Para sa taong 2026, inaasahang mamamahagi ang NCSC ng mahigit P3 bilyong halaga ng cash gift sa humigit-kumulang 299,000 benepisyaryo sa ilalim ng Expanded Centenarians Act.

Batay sa datos ng komisyon, umabot na sa 75,922 senior citizens ang nakatanggap ng benepisyo hanggang Mayo 2026, na may kabuuang halagang P801.79 milyon.

Ayon sa NCSC, bahagi ang kasunduang ito ng pagsusulong ng administrasyon ng digital governance upang maging mas mabilis, mas ligtas, at mas accessible ang paghahatid ng mga benepisyo sa mga senior citizen. – VC