IBCTV13
www.ibctv13.com

NHA at GSIS, may alok na moratorium, tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng Habagat

78
Views

[post_view_count]

The Philippine National Police (PNP) conducted clearing operations along reads affected by Typhoon Maymay and Habagat in Iloilo City last Monday, August 10. (Photo courtesy of PNP)

Nagpatupad ang National Housing Authority (NHA) ng one-month automatic moratorium sa housing loan amortization at lease payments ngayong Agosto bilang tulong para sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng habagat.

Ang moratorium ay para sa mga residential account holder sa mga proyekto nito sa National Capital Region (NCR) at sa mga lalawigan ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Zambales, Cavite, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro.

Sa ilalim ng NHA Memorandum Circular No. 2026-048, hindi na kailangang magsumite ng aplikasyon ang mga kwalipikadong benepisyaryo upang makuha ang moratorium.

Sa buong buwan ng Agosto, wala na ring ipapataw na delinquency o karagdagang interest charges sa mga sakop na account, habang sususpendihin ang mga penalty, interest, at surcharges.

Magpapatuloy naman ang pagbabayad ng amortization at lease obligations sa Setyembre 1, habang palalawigin ng isang buwan ang repayment period ng mga residential account.

Samantala, ang mga fee at charge na naipon bago ang Agosto 1, ay muli ring ipapataw simula Setyembre 1.

Nakahanda naman ang Government Service Insurance System (GSIS) na maglaan ng emergency loans para sa mga apektadong miyembro at pensyoner sa mga lugar na nagdeklara ng state of calamity.

Para sa mga kwalipikadong miyembro at pensyonado na may umiiral nang emergency loan, maaaring umabot sa P40,000 ang maaaring mahiram, kung saan gagamitin ang bahagi nito upang bayaran ang natitirang balanse sa dating emergency loan, habang ang natitirang halaga ay ilalabas para sa borrower.

Para maging kwalipikado, kinakailangan na ang mga miyembro ay naninirahan o nagtatrabaho sa mga lugar na idineklarang nasa state of calamity, nasa aktibong serbisyo, hindi nasa leave of absence without pay, at walang nakabinbing administrative o criminal case.

Kinakailangang nakapagbayad din ng premium sa loob ng anim na buwan bago ang aplikasyon at may net take-home pay na hindi bababa sa P5,000 matapos ang mga kaltas sa loan, alinsunod sa General Appropriations Act.

Hinihimok din na mag-apply ang mga old-age at disabled pensioner, basta’t ang matitirang net monthly pension matapos ang loan deduction ay hindi bababa sa 25% ng kanilang basic monthly pension.

Maaaring magsumite ng aplikasyon ang mga miyembro anumang oras at saanman sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile application na maaaring i-download sa Google Play Store at Apple App Store. – VC