
Pinaiigting ng National Irrigation Administration (NIA) ang kanilang mga hakbang para palakasin ang climate change resiliency ng mga sistema ng irigasyon laban sa epekto ng El Niño.
Ayon kay NIA Administrator Engr. Eddie Guillen, matagal nang naghahanda ang ahensya hindi lamang sa El Niño kundi maging sa La Niña.
“Matagal na nating pinaghahandaan ito dahil hindi lang naman ang El Niño ang pinaghahandaan ng NIA, maging ang La Niña, itong climate change na tinatawag natin,” ani Guillen.
Sa kabila ng pangamba sa El Niño, sinabi ni Guillen na puno ang tatlong malalaking dam na mahalaga sa suplay ng tubig para sa irigasyon— ang Magat, Pantabangan at San Roque dams.
Maaaring gamitin ang sapat na suplay ng tubig ng mga dam upang mapalakas ang produksyon ng palay sa mga lugar na kayang patubigan.
Kasabay nito, nakikipag-ugnayan ang NIA sa Department of Agriculture (DA) upang mabigyan ng suporta ang mga magsasaka, kabilang ang paggamit ng high-yielding varieties ng palay, at pagbibigay ng abono.
Kabilang pa sa paghahanda ng ahensya ang pagbuo ng El Niño Dashboard kasama ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at Philippine Rice Research Institute (PhilRice).
Ang dashboard ay tutulong na maging mas mabilis ang pagtukoy sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng El Niño at kung aling mga sakahan ang nangangailangan ng patubig.
Sa ngayon, mayroon nang Geographic Information System (GIS) ang NIA na ginagamit sa pag-monitor ng mga lugar na nasusuplayan ng tubig. – VC











