IBCTV13
www.ibctv13.com

OSG, hihiling sa SC na hayaan ang Kongreso, executive na itama ang mga isyu sa budget

126
Views

[post_view_count]

The Office of the Solicitor General will ask the Supreme Court to review parts of its ruling on the 2024, 2025, and 2026 national budgets, arguing that Congress and the executive should be allowed to correct budget issues within their constitutional powers. (Screengrab from RTVM)

Hihilingin ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema (SC) na repasuhin ang ilang bahagi ng desisyon nito tungkol sa 2024, 2025, at 2026 national budget upang mabigyan ng pagkakataon ang Kongreso at ehekutibo na itama ang mga isyu sa budget.

Sa press briefing ngayong Huwebes, Oktubre 22, sinabi ni Solicitor General Darlene Berberabe na nais ng OSG na matukoy kung aling mga safeguard ang hinihingi ng Konstitusyon, at kung alin ang dapat ipaubaya sa Kongreso at ehekutibo.

“Iginagalang ng OSG ang desisyon….. ang amin lamang pong gustong idiin at hilingin na repasuhin nila baka po may mga guardrails na dapat ay ipaubaya na lamang doon sa dalawang branches, which are the political branches,” ani Berberabe.

Binanggit niya ang mga pagbabagong isinagawa na ng Kongreso at ehekutibo upang tugunan ang mga probisyon sa budget na kinuwestyon ng Korte Suprema.

Kabilang dito ang pagbabago sa lump-sum appropriations at pagtanggal ng ilang probisyon sa 2026 budget.

“Kaya po iyon iyong sinasabi namin na tutal sa kanila ibinigay ng Konstitusyon iyong kapangyarihan, hayaan mo silang mag-self-correct,” saad ng OSG official.

Sinabi rin ni Berberabe na pag-aaralan ng OSG kung may posibleng “judicial overreach” o paglampas sa kapangyarihan ng judiciary sa naging desisyon ng Korte Suprema.

Matatandaang idineklara kamakailan ng SC na labag sa Konstitusyon ang ilang bahagi ng unprogrammed funds ng 2024 at 2025 national budget.

Ipinawalang-bisa rin nito ang ilang probisyong namamahala sa unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA).

Ayon kay Berberabe, pinag-aaralan pa ng OSG ang magkakahiwalay na opinyon ng mga mahistrado bago pormal na humiling ng paglilinaw at muling pagrepaso sa desisyon.

Ang unprogrammed appropriations ay ang mga nakalaang pondong maari lamang ilabas kapag natugunan ang mga partikular na kondisyon sa pagpopondo,

Naiiba ito sa programmed appropriations, na may tinukoy nang pagkukunan ng pondo at nakalaan para sa mga programa at proyekto ng pamahalaan. – VC