IBCTV13
www.ibctv13.com

P102.2-M ayuda mula sa SCPF, ipinagkaloob ni PBBM sa 511 barangay sa Tarlac

114
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos led the distribution of 10-kilos of rice under the LGSF-Bagong Pilipinas Rice Program, met with 2,555 Bagong Pilipinas Presidential Scholars, and turnover the P102.2 million SCPF for 511 barangays in Tarlac City today, July 30. (Photo courtesy of PCO)

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng kabuuang P102.2 milyong ayuda sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF) para sa 511 barangay sa Tarlac sa isinagawang rollout ng Bawat Bayan Makikinabang program sa Tarlac City Civic Center ngayong araw, Hulyo 30.

Sa ilalim ng SCPF, bawat barangay ay tumanggap ng P200,000, kung saan P100,000 ang inilaan para sa development at safety projects, habang ang natitirang P100,000 ay gagamitin upang suportahan ang tig-limang benepisyaryo ng Presidential Scholars program.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na nananatiling pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon ang edukasyon dahil ito ang pinakamahalagang pamumuhunan ng pamahalaan para sa kinabukasan ng bansa.

“Dahil para sa akin, ito ang pinakamahalaga na serbisyo na maaaring ibigay ng pamahalaan para sa ating mga kabataan lalo,” ani Pangulo.

Hinimok niya ang mga iskolar na pagbutihin at tapusin ang kanilang pag-aaral, at gamitin ang kanilang kaalaman upang mapabuti ang kanilang buhay, makatulong sa kanilang komunidad, at makapag-ambag sa pag-unlad ng bansa.

Samantala, ipinahayag din ng Pangulo ang kanyang tiwala na maayos na magagamit ng mga opisyal ng barangay ang pondong inilaan para sa mga proyekto ng kanilang komunidad.

“Sila na ang bahala, ang mga barangay official, kung saan nila gustong gamitin ang perang iyan. Nasa sa kanila na ‘yun at alam ko naman na gagamitin nila sa pinakamagandang paraan upang matulungan ang ating kababayan,” ayon sa Pangulo.

Batay sa datos, umabot na sa P4.69 bilyon ang naipamahaging pondo sa 23,432 barangay sa buong bansa sa ilalim ng SCPF. 

Maliban sa SCPF, namahagi rin ang Pangulo ng 10-kilong sako ng bigas sa 3,077 benepisyaryo na pinondohan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) na naglalayong mapabilis ang paghahatid ng serbisyo ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga nasasakupan.

Ayon sa Pangulo, nasa 1,276 LGUs na ang nakatanggap ng tulong sa ilalim ng LGSF mula nang ilunsad ang Bawat Bayan Makikinabang program.

Ipinatutupad ang programa sa buong bansa upang maabot ang lahat ng komunidad kung saan may ilang LGU na ang nakatanggap ng second round ng ayuda. 

“Asahan po ninyo na ang pamahalaan ninyo ay nasa likod ninyo, kasama po ninyo sa lahat ng inyong pangangailangan,” pagtitiyak ng Pangulo. – VC