IBCTV13
www.ibctv13.com

P17.8-B pondo, ilalaan sa pagpapakain sa mga batang malnourished sa mga paaralan at day care center sa 2027

Penelope Pomeda, RP1
165
Views

[post_view_count]

File photo of PIA

Naglaan ang pamahalaan ng P17.8 bilyon para sa pagpapakain sa mga batang may malnutrisyon sa mga pampublikong paaralan at day care center sa buong bansa sa susunod na taon.

Ayon kay House Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan, nakapaloob sa panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP) ang P11.4 bilyon para sa School-Based Feeding Program (SBFP) at P6.4 bilyon naman para sa Supplementary Feeding Program (SFP).

Sinabi ni Libanan na mahalagang ituring na pamumuhunan sa kinabukasan ng mga bata ang wastong nutrisyon dahil nakaaapekto ang gutom sa kanilang konsentrasyon, pakikilahok sa klase at pagkatuto.

Batay sa survey ng Social Weather Stations, 20.3% ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger o gutom na walang makain kahit isang beses noong ikalawang quarter ng 2026.

Samantala, iniulat ng OCTA Research na umakyat sa 21% ang self-rated hunger noong Hulyo mula sa 17% noong Marso.

Saklaw ng School-Based Feeding Program ang mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6 na natukoy na wasted, severely wasted, stunted o severely stunted.

Kabilang din dito ang mga estudyanteng nanganganib na huminto sa pag-aaral at mga batang mula sa katutubong komunidad at mahihirap na pamilya.

Samantala, nagbibigay naman ng masustansyang pagkain ang Supplementary Feeding Program sa mga batang preschool na naka-enroll sa mga pampublikong child development center gayundin sa mga batang lumalahok sa supervised neighborhood play activities.

Pinangangasiwaan ng Department of Education (DepEd) ang SBFP habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ang nagpapatupad ng SFP.

Iminungkahi rin ni Libanan na hangga’t maaari ay kumuha ng mga suplay ng pagkain mula sa mga lokal na magsasaka at prodyuser ng gatas upang matugunan ang malnutrisyon sa mga bata habang sinusuportahan ang lokal na agrikultura. – KI/VC