
Maaaring mabili ng mga residente sa Visayas ang P20 kada kilo ng bigas sa mga Kadiwa center, palengke, at authorized outlet ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sa press briefing ngayong Huwebes, Abril 24, tiniyak ni Castro na palalawigin ng pamahalaan ang programa sa buong Pilipinas alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipatupad ito hanggang 2028.
“Inaayos na po ang mga maaaring issues tungkol sa logistics pero ito po ay maipapatupad po talaga nationwide at hindi lamang po ito ang naisin at aspirasyon ng ating Pangulo,” ani Castro.
Pinabulaanan naman ng Palasyo ang pahayag na pinili ng Pangulo ang Visayas region para sa pilot testing ng programa dahil maraming boto na maaaring makuha rito kaugnay sa papalapit na 2025 National and Local Elections.
Ani Castro, una nang ipinaliwanag ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na pinili ang Visayas area dahil sa dami ng stocks ng NFA rice dito.
Ito rin ang kauna-unahang rehiyon na handang magbigay ng subsidiya para sa programa at makipagtulungan sa pambansang pamahalaan.
“Huwag po nating harangin, huwag po nating pagbawalan iyong mga taumbayan na bumili ng murang bigas. Ito po muli ay para sa taumbayan, huwag nating hayaang magutom ang taumbayan,” panawagan ni Castro.
Sa ngayon ay pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibleng suporta sa third at fourth class municipalities na hindi makapaglalaan ng pondo sa programa kung saan binigyan ang mga ito ng opsyon na umutang muna sa Food Terminal Inc. o FTI para makakuha ng P33 kada kilo ng bigas.
Nagpaalala si Castro sa publiko na huwag hayaang maliitin at tawaging pagkain na panghayop ang ibebentang P20/kilo na bigas dahil parehas ang kalidad nito sa P33 kada kilo na ibinebenta ngayon.
“Kapag po sinabi ninuman na ito ay panghayup na bigas ay minamaliit po natin ang mga farmers natin na nagbebenta po sa NFA, sa ating gobyerno,” saad ni Castro.
Nang matanong kung bakit natagalan ang pagsasakatuparan ng inaasam na P20/kilo na bigas, nilinaw ni Castro na dumaan pa ito sa mabusising pag-aaral para sa mas epektibong implementasyon.
“Hindi po nating sinasabing ngayon lang nagka-budget; ngayon lang po napag-aralang mabuti dahil sa loob po ng mga araw, buwan, taon ito po ay inaaral kung papaano po ito maipapatupad,” paliwanag ni Castro.
“Ngayon po na nakita po nila sa kanilang pag-aaral na maaari pong ibigay sa pamamagitan din po ng pagbibigay ng subsidiya ito po ngayon ay ating ipatutupad,” dagdag niya. – VC