IBCTV13
www.ibctv13.com

P6.2-B pondo, nakalaan sa mga magsasaka, mangingisdang apektado ng El Niño – Palasyo

131
Views

[post_view_count]

Farmers, Fishermen. (File photo of PNA, DA)

May nakalaang P6.2 bilyong pondo ang pamahalaan ngayong 2026 para sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng El Niño at mataas na presyo ng langis, ayon sa Malacañang.

Sa press briefing ngayong Huwebes, Oktubre 1, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang pondo ay ipapalabas para sa Department of Agriculture (DA).

May P39.82 bilyon naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) sa 2026 budget na maaaring gamitin para sa mga climate-related event.

Sa 2027, iminungkahi ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtaas ng NDRRMF sa P45.67 bilyon habang isinusulong ang P9.885 bilyong alokasyon para sa Quick Response Funds (QRF) para sa mga frontline agency.

Nakapaloob din sa 2027 national budget ang P11.18 bilyon para sa rice buffer stocking ng National Food Authority (NFA) at P4.5 bilyon para sa crop insurance na inaasahang pakikinabangan ng tinatayang 2.30 milyong maliliit na magsasaka at mangingisda.

Samantala, nasa P46.356 bilyon ang iminungkahing pondo para sa National Irrigation Administration (NIA), kabilang ang P30.47 bilyon para sa pagkukumpuni at pagpapaunlad ng mga irrigation system.

Kaugnay nito, tiniyak ni Castro na patuloy na minomonitor ng pamahalaan ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang tamang pagtugon sa mga epekto ng El Niño.

“Ang kailangan lang talaga natin ay mag-prepare, at ’yun ang ginagawa ng gobyerno,” ani Castro. – VC