
Isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang P7.58 bilyong pondo para sa PAyapa at MAsaganang PamayaNAn (PAMANA) program sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.
Layunin ng panukalang pondo na maisakatuparan ang 256 infrastructure projects sa mga conflict-affected at conflict vulnerable na komunidad sa buong bansa,
Mas mataas ito ng 83 bilang ng proyekto o halos 48% kumpara sa 173 proyektong nakalaan sa 2026 national budget.
Kabilang sa mga proyekto ang pagpapatayo ng mga kalsada at tulay, pagpapabuti ng suplay ng tubig at kuryente, pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan, at pagbibigay ng tulong pangkabuhayan sa mga mamamayan.
Target din ng programa na magbigay ng tulong sa 16,150 estudyante upang masuportahan ang kanilang pag-aaral.
Sa kabuuang pondo, P6.09 bilyon ang ilalaan sa mga proyekto ng Office of the Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU), kabilang ang mga inisyatiba para sa suporta sa sektor ng agrikultura.
Samantala, P1.40 bilyon ang iminungkahing pondo para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga livelihood program.
Iminungkahi rin ang P32.29 milyon para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang maisama sa National Health Insurance program ang 6,458 benepisyaryo ng PAMANA.
Bukod dito, P58.04 milyon ang inilaan para sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang suportahan ang mga katutubo sa pag-access sa mga serbisyong panlipunan.
Ang P7.58 bilyong pondo para sa PAMANA ay bahagi pa lamang ng panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP) at sasailalim pa sa deliberasyon at pag-apruba ng Kongreso bago maisama sa pinal na pambansang badyet para sa susunod na taon. – VC











