IBCTV13
www.ibctv13.com

Pag-angat ng Pilipinas sa upper-middle-income category, ikinatuwa ni PBBM

143
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. welcomes the Philippines’ official transition to upper-middle-income country status in a video message. (Screengrab from PCO)

Malugod na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang opisyal na pag-angat ng Pilipinas bilang isang upper-middle-income country (UMIC), kasunod ng pinakahuling income classification ng World Bank nitong Miyerkules, Hulyo 1.

Sa inilabas na ulat ng World Bank, naitala ang gross national income (GNI) per capita ng Pilipinas sa $4,850, lampas sa itinakdang $4,636 na threshold upang mapabilang sa kategoryang UMIC.

Sa isang video message, sinabi ng Pangulo na ang bagong katayuan ng bansa ay patunay ng pagiging epektibo ng mga polisiyang pang-ekonomiya at mga repormang ipinatupad ng administrasyon sa nakalipas na apat na taon.

“This milestone affirms that the economic policies that we pursue over the years have been effective,” ani Pangulo.

Dagdag niya, ang tagumpay na ito ay nagtapos sa halos apat na dekadang pananatili ng Pilipinas sa kategoryang lower-middle-income country mula pa noong 1987.

Iginiit ng Pangulo na ang patuloy na paglago ng ekonomiya, matatag na halaga ng piso, at pagpapatupad ng mga pangmatagalang reporma ang nagpapatibay sa ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga umiiral na pandaigdigang hamon.

“Our steady economic growth, broadly stable currency, and long-term reforms have strengthened our economy even amid global uncertainties. It validates the progress that we have made in the resilience of the Filipino people,” ani Pangulo.

Dahil dito, kumpiyansa ang Pangulo na mas tataas ang tiwala ng mga mamumuhunan sa Pilipinas, na magdadala ng mas maraming negosyo, de-kalidad na trabaho, at mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.

Sa kabila nito, binigyang-diin ng Pangulo na ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay hindi lamang dapat makita sa mga datos, kundi maramdaman sa pang araw-araw na buhay ng pamilyang Pilipino.

Tiniyak naman ng Pangulo na ipagpapatuloy ng administrasyon ang pagpapatupad ng mga programang pang-ekonomiya upang matiyak na mararamdaman ng lahat ng Pilipino ang mga benepisyo ng pag-unlad ng ekonomiya.

“That is the work that we will continue to do until every family feels the benefit of our country’s progress,” aniya.

Kasabay ng Pilipinas, itinaas din ng World Bank sa kategoryang upper-middle-income country ang Jordan, Micronesia, Sri Lanka, at Vietnam. VC