
Panibagong record muli ang naitala ng Pag-IBIG Fund sa unang kalahati ng 2026 matapos makapagtala ng kabuuang net income na P41.35 bilyon, o 24% mas mataas sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang pagtaas ay bunsod ng napanatiling kita mula sa mga portfolio ng ahensya sa pabahay at short-term loans, mas mataas na investment income at disiplinadong pamamahala sa mga gastusin.
Ang naturang tagumpay ng Pag-IBIG ay nakamit sa kabila ng pagpapatupad ng mas mababang housing loan rates at itinaas na maximum housing loan amount hanggang P10 milyon.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon Aliling, susi ang matatag na financial position ng ahensya sa pagpapalawak pa ng layunin ng administrasyon pagdating sa pabahay habang maingat na pinangangasiwaan at pinapalago ang ipon ng mga manggagawang Pilipino.
“Our financial strength enables us to open more doors to homeownership and help Filipino workers fulfill their dream of having a home of their own, while prudently managing and growing the savings entrusted to us,” ayon sa kalihim.
Saad pa ng ahensya, sumasalamin lamang ang napapanatiling kapasidad at financial strength ng Pag-IBIG para gawing abot-kaya ang home financing sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (Expanded 4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
As of June 30, pumalo rin ang kabuuang assets ng Pag-IBIG Fund sa P1.32 trilyon, o P81.95 bilyong mas mataas kumpara sa P1.23 trilyong naitala sa pagtatapos ng 2025.
Ayon pa kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, umakyat sa 19% ang gross income ng ahensya patungo sa P52.98 bilyon, mula sa P44.39 bilyon noong nakaraang taon. Kasama pang umakyat ang investment income ng 47% na umaabot na sa P6.85 bilyon.
Paliwanag naman ni Acosta, ang mas mataas na kita ay napakikinabangan din ng mga miyembro ng Pag-IBIG dahil ang bahagi ng taunang net income ng ahensya ay ibinabalik sa kanila bilang dibidendo na lumalabas sa kanilang savings.
“Through these efforts, we help President Ferdinand R. Marcos Jr.’s vision of enabling more Filipino families to enjoy better, more dignified lives through homeownership and greater financial security,” ani Pag-IBIG Fund CEO.
Nito lamang simula ng Agosto, muling nakamit ng ahensya ang pinakamataas na audit opinion mula sa Commission on Audit na unmodified opinion sa ika-14 na magkakasunod na taon. –VC











